IGINIIT ng Malacañang na ang desisyon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na buwagin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Amerika ay hindi dahil sa “whim” o kapritso ng Pangulo kundi dahil sa serye ng pagkawalang-galang ng ilang US senators sa soberanya ng Pilipinas.

Nagbanta si Mano Digong na wakasan ang VFA, isang kasunduan noong 1998, na nagpapahintulot sa mga sundalong Pinoy at Kano na magsagawa ng magkasanib na pagsasanay sa Pilipinas. Ayon sa political analysts, reaksiyon ito ng

Pangulo bunsod ng pagkansela sa US visa ng matapat niyang alyado na si Sen. Bato dela Rosa, dating PNP chief.

Pinuna ng mga kritiko si PRRD dahil sa kahandaang tapusin ang VFA nang dahil lang sa personal na isyu. Gayunman, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na hindi lang ang kanselasyon ng US visa ni Bato ang dahilan kundi marami pang ibang kadahilanan.

Ganito ang pahayag ni Spox Panelo sa wikang English: “The cancellation of Senator Bato’s visa was the last straw that broke the camel’s back. It was an accumulation, a series of disrespectful acts by some of the US senators.” Komento ng kaibigan ko: “Eh bakit ang mga disrespectful acts ng China, tulad ng Chinese Coast Guard na humaharang sa mga Pinoy fishermen, hindi inaangalan ng Pangulo?” Reaksiyon ni Senior Jogger: “Kaibigan, iba ang tinititigan at iba ang tinitingnan.”

oOo

Isa sa mga pangako ng noon ay Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte sa 2016 presidential campaign ay ang pagputol sa mga sungay ng kurapsiyon sa gobyerno. Talagang galit si PRRD sa katiwalian at kabulukan. Hanggang ngayon ay nagpupuyos ang galit ng Presidente sa mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa graft and corruption.

Dahil sa pagbaba ng ranggo ng Pilipinas sa pinakahuling Corruption Perception Index (CPI), ipinasiya ni PDu30 na sibakin pa ang mga corrupt officials sa pamahalaan. Ang PH ay bumagsak ng 14 antas sa 2019 index, nalagay sa ika-113 puwesto sa may 180 bansa mula sa dati nitong puwesto na ika-99 noong 2018.

Ayon kay Panelo, sisibakin ng Pangulo ang iba pang corrupt officials, pero kailangan ang mga ebidensiya na sila nga ay talagang corrupt. Aniya, ang Pangulo ay isang abogado kung kaya kailangan pa rin ang sapat na ebidensiya—documentary at testimonial evidence— para bigyan siya ng batayan na manibak. Maniniwala lang ang mga Pinoy sa kampanya ng administrasyon laban sa kurapsiyon kung maging ang mga alyado, kaibigan at supporters ng Pangulo ay sisibakin din niya kapag napatunayang may sala.

oOo

Nabasa ba ninyo ang balitang pangungunahan mismo ni Brig. General Debold Sina, hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), ang kampanya laban sa matataba (obese) na opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP)?

Sa kanyang pahayag noong Lunes, sinabi ni Sinas na sisimulan nila ang programa/kampanya sa pagpapababa ng timbang ng “mabibigat na pulis”, at dito ay kasama siya na itinuturing ang sarili bilang isang “matabang pulis.”

Magsisilbi siyang example, ayon kay Sinas, sa pagbabawas ng timbang bilang pag-alinsunod sa direktiba ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa dahil kung hindi, sila ay pagbabawalan sa mga pagsasanay at schooling para sa career advancement at promosyon. Sige mga pulis, magpapayat kayo para makaya ninyong tugisin ang mga tumatakbong kriminal. Hingal, hingal, hingal.

-Bert de Guzman