Napanatili ng reigning 3-peat titlist University of Perpetual Help System DALTA ang kanilang pamumuno at malinis na marka matapos masupil ang hardfighting Arellano University, 28-26, 23-25, 25-21, 25-19, kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Muling pinamunuan ang Altas ng kanilang converted hitter na si Louie Ramirez sa pag-angkin ng ika-6 na sunod nilang panalo.
Nagposte ang 19-anyos na spiker ng 25 puntos, 21 dito ay galong sa attacks at tatlo naman ay mula sa service aces.
Dahil sa panalo, tumatag ang Altas sa solong pamumuno sa men’s division habang ipinalasap naman nito ang ikalawang sunod na talo ng Chiefs na nagbaba dito sa barahang 4-2.
.“I always told my players that you are going to respect all the teams na kalaban namin, most especially ‘yung mga katulad ng Arellano, they’re one of the best teams in the NCAA,”wika ni Perpetual coach Sammy Acaylar.
Nakabalikat naman ni Ramirez sa kanilang opensa sina Perpetual captain Ronniel Ramirez na nag-ambag ng 19 puntosat Hero Austria na may 12 puntos bukod pa sa 23 receptions.
Sa kabila ng kasalukuyang estado, inamin ni Acaylar na kulang pa ang kanyang koponan sa karakter upang tumapos ng laban.
“Sa character naman ng team ko this game, hindi ko nakita ‘yung inensayo namin eh, hindi ko nakita ‘yung motivation nila to kill na kapag naglaro ka, give your best.”
-Marivic Awitan