MULA nang magsimula ang krisis ng Wuhan coronavirus noong Disyembre 31, 2019, mabilis ang naging pagsisiguro ng pamahalaan ng Pilipinas na ligtas ang bansa mula sa bagong sakit na kumalat na sa ilang mga bansa sa mundo.
Sinabi ng Department of Health (DOH) na nasa 11 dayuhan—Chinese, Americans, Germans, at Bazilians – ang agad na ini-isolate at tinutukan ang kanilang sakit at tatlo sa kanila ang naideklara nang negatibo mula sa virus at nakalabas na ng ospital. Nasa 16 pang dayuhan ang nadagdag sa kaso na kasalukuyang tinututukan.
Lumabas ang unang indikasyon sa krisis sa China noong Disyembre 31, nang maglabas ang Wuhan Municipal Health Committee Medical Administration ng isang “urgent notice on the treatment of pneumonia of unknown cause.” Nakadagdag pa sa pangamba ng sakit ang nakatakda noong Spring Festival o Chinese New Year, kung saan daan milyong mga tao ang naglalakbay pauwi sa kanilang mga tahanan sa buong China, bansa na may 1.3 bilyong populasyon.
Pinakilos na ni China President Xi Jinping ang resources ng kanyang bansa, na sinabing, “Party committees, government and relevant departments must put people’s lives and health first.” Agad na ring nakipag-ugnayan ang pamahalaan ng China sa World Health Organization (WHO) sa hakbang nito upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa iba pang mga lungsod. Tatlong araw bago ang festival, sumailalim sa quarantine ang Wuhan.
Agad ding pinakilos ng China ang mga medical experts nito upang mapag-aralan pa ang virus, habang ginagamot ang mga nahawaan. Noong January 25 ini-isolate ng China Center for Disease Control ang virus at nagsimulang bumuo ng vaccine. Pinuri naman ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus ang naging mabilis na aksiyon ng China para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa iba pang mga lugar.
Hanggang nitong Enero 27, nasa 81 na ang bilang ng mga namatay sa China, na karamihan ay mga matatandang lalaki na may iba na ring karamdaman. Maikukumpara ito sa dalawang naunang kaso ng virus—ang SARS crisis noong 2002-2003 kung saan nasa 774 ang namatay at ang MERS-Cov crisis sa South Korea na kumitil ng 38.
Iniulat ng China’s National Health Commission na mayroon ng kabuuang 3,744 na kumpirmadong kaso ng impeksyon sa buong bansa, habang nasa 30,000 ang under observation. Ayon sa Ministry of Finance nasa kabuuang $1.62 billion ang inilaan ng bansa para sa paggamot ng mga biktima, pagbili ng mga medikal na kagamitan, at epidemic control materials.
Sa buong mundo, mahigpit na ring binabantayan ang nasa walong kaso ng hinihinalang virus sa Hong Kong, limang hinihinalang kaso sa Taiwan, Australia, at Macau; tig-apat na kaso sa Singapore, Japan, South Korea, at Malaysia; tatlo sa France; dalawa sa Canada at Vietnam; at isa sa Nepal.
Wala pang naitatalang kaso sa Pilipino, bagamat may nasa 27 dayuhan ang pinag-aaralan na, tatlo sa mga ito ang na-cleared na. Umaasa tayong magiging cleared na rin ang iba pang kaso sa mundo. Para naman sa sitwasyon ng China, tiwala tayo na kumikilos na ang lahat ng sangay ng pamahalaan nito at kumpiyansa tayo na ang coronavirus crisis –tulad ng SARS at ng MERS-Cov virus outbreaks noon—ay matatapos din.