HALOS dalawang dekada na ang nagdaan noong unang isulat ko sa kolum ng Tempo ang mga problemang dadatal sa Cebu City. Nabanggit ko roon na ang nakasanayang pamumuhay ng mga Cebuano ay siguradong maiiba. Halimbawa, dati-rati ang mga pampasaherong jeepney ay puwede pang maka- kwentuhan sa daan bago sumakay. Mga gampaning lakad sa loob ng lungsod ay 10 minuto lamang ang palugit sa bawa’t tipanan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga magulang noon ay nakauuwi pa sa tanghalian.
Isa ito sa dahilan kaya’t hindi namulaklak noon ang mga fast food at ng turo-turo sa bangketa. Noon, Biyernes ng gabi, Sabado at Linggo ang paglabas at pagliliwaliw ng pamilya. Iba na ngayon, nilalamon na ang panahon sa kalsada. Halos isang oras ang kakailangan sa biyahe. Liban sa pagdami ng basura, paglala ng polusyon, baha, pagtindi ng usad pagong na trapiko, andyan din ang palpak na urban planning. Ngayon kailangang maglaan ng isang oras sa bawa’t lakad upang makarating ka sa tamang oras.
Nagmungkahi naman ang NEDA na ipasara sa trapiko ang Colon Street, batay sa kanilang pagsasaliksik. Ayon sa JICA, halos P300 milyon ang nawawala kada araw sa Cebu dahil sa tindi ng trapik. Pati si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpayo noong dumalo ito sa Sinulog Festival, “Ang Cebu ay lumang lungsod. Hindi na maaaring palaparan dahil makitid ang mga kalye. Wala pang gobyerno, andyan na ang Cebu. Kung gusto ninyo magsimula ng transportasyon sa tren, ituloy at itayo ninyo, pati mga daanan sa taas, at tutulungan ko kayo maghanap ng pondo. Gayahin ninyo ang Manila.”
Saludo ako sa mungkahi ni Presidente DU30. Tumpak ang kanyang pananaw na antigong lungsod ang Cebu. Kaya ligaw yang P16 bilyong BRT (Bus Rapid Transit), na unang imunungkahi. Tama lamang na pigilang ipatupd. Sa EDSA nga, binasura ang BRT. Mas mainam siguro na gawing pangalawang siyudad ang Cebu at magkaroon ng ‘Subway System’ tulad sa Metro Manila (Valenzuela papuntang Dasmarinas, Cavite). Kung nakasasakyan ka, 4 na oras ang biyahe, kung sa subway, aabutin lamang ito ng 30 minuto.
Hangad ko para sa Cebu City ang pagkakaroon ng subway (tren sa ilalim ng lupa) bilang swak na solusyon katulad New York, Tokyo, Moscow, London, Washington DC, Madrid, at iba pa, na milyon-milyong tao ang bumibiyahe at nabibiyayaan.
-Erik Espina