ILANG linggo na ang nakalipas, nagkaroon ako ng pagkakataon na bisitahin ang paaralan na naging saksi sa aking pag-unlad, ang Holy Child Catholic School. Nagpunta ako roon upang pasinayaan, kasama ni Luis Antonio Cardinal Tagle, ang isang auditorium na tinulungan namin maitayo. Isa itong mahalagang okasyon lalo’t kasabay nito ang pagdiriwang ng ika-75 taon ng paaralan.
Maraming alaala at realisasyon ang nabuhay sa aking naging pagbisita. Ang paaralang iyon, at ang Tondo sa kabuuan, kung saan ko ginugol ang aking kabataan. Sa pagbabalik-tanaw, maraming bagay na napagtagumpayan ko ngayon, marahil ay nabuo nang mga panahong iyon.
Ang pagkatao natin ngayon ay produkto ng ating kuwento ng buhay at ang ating interpretasyon sa mundo sa buhay na mayroon tayo, partikular sa pinakaunang mga taon ng ating paglaki. Hinubog ng panahong ito ang ating buhay, kung saan maraming kritikal na desisyon tayong ginawa base sa ating mga pagpapahalaga.
Sa aking kaso, ang impluwensiya ng aking Nanay Curing ang humubog sa pundasyon ng aking mga pagpapahalaga, ng aking karakter. Ang pagtulong sa kanya sa pagbebenta ng hipon at isda sa palengke ay humubog ng aking pagpapahalaga para sa sipag at tiyaga bilang pundasyon para sa isang matagumpay na buhay. Natutunan kong makipag-ugnayan at rumespeto sa ibang mga tao. Natutunan ko ang halaga ng katapatan at integridad sa pagkikitungo sa mga kostumer at mga tao sa kabuuan.
Ngunit ang inisyal na edukasyong natanggap ko ang nagbigay daan din sa paghubog ng aking karakter. Nag-aral ako sa Tondo Parochial School, ang pangalan ng paaralang ito na tumanggap sa akin ng bukas-palad matapos akong mapilitang mag-drop out sa isa pang paaralan, dahil kinailangan kong magtrabaho sa murang edad.
Ang Tondo Parochial School ang isa sa dalawang parochial school na itinayo sa Tondo ng Simbahang Katoliko para sa mahihirap na residente ng Tondo. Itinatag ito ng mga Heswitang pari noong 1945, makaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Inilipat ito mula sa orihinal nitong lokasyon sa Plaza Hernandez katabi ng Santo Niño Church kung saan dating nakatayo ang Tondo Orphanage.
Matindi ang pagpapahalaga ng Tondo Parochial School sa pagkakaloob ng mahusay na edukasyon sa mga mahihirap na bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman, kasanayan at ugali na kailangan upang maging responsible, produktibo, at “conscienticized” na mamamayan.
Sa mga silid-aralan ng paaralang ito, sa ilalim ng gabay ng aking mga guro, natutunan ko ‘di lamang ang ABC o multiplication tables, ngunit ang kahalagahan ng self-respect, pagmamahal at pagbibigay sa kapwa, kung paano maging isang tao sa komunidad ng Diyos. Napatatag nito ang maraming aral na itinuro sa akin ng aking ina. Pinaunlad nito sa akin ang halaga ng “self-reliance” ngunit kaalinsabay nito ay ang pag-unawa na ako ay bahagi ng mas malaking mundo.
Noong bata pa tayo, hindi natin naiintindihan kung paano tayo hinuhubog ng mga tao sa ating paligid. Nag-aaral, naglalaro at umuuwi tayo ng tahanan. O sa aking kaso, aral, trabaho at tulog. Ngunit ang pagbabalik-tanaw ay isang paraan ng paglilinaw ng mga bagay. Kapag iyong babalikan, mauunawa mo ang mga marka sa iyong nakalipas kung saan mo natutunan ang mga bagay-bagay, o gumawa ng mahalagang desisyon. Marami akong naging tanda sa aking buhay at ang aking karanasan sa Tondo Parochial School ay isang bagay na lagi’t lagi kong aalalahanin.
Sa isang espesyal na paraan, ang auditorium na pinasinayaan namin sa aking pinagmulang paaralan, ay isang paraan ng aking pasasalamat sa naging tulong sa akin ng institusyon kung sinuman ako sa kasalukuyan. At kasama nito ang pag-asa na maaari nitong maitulong sa Holy Child Catholic School, sa ilalim ng pamamahala nina Rev. Fr. Nolan Que bilang School Director at Ms. Ofel Lumawig bilang Principal, ipagpatuloy ang misyon nito na humubog sa isip ng mga kabataan bilang bahagi ng tungkulin sa Diyos, sa bansa, at sa pamilya.
-Manny Villar