BAGO ang lahat, nais kong makiramay sa pamilya ng journalist na si Efren Limos Danao na yumao sa Las Vegas noong Enero 20,2020. Siya ay isang beteranong mamamahayag. Naging section editor ng UST Varsitarian noong siya ay nag-aaral doon. Naging political reporter at deskman si Efren sa Philippine Star noong panahon ni Betty Go-Belmonte.
Nang mag-resign si Efren sa PhilStar, siya ay lumipat sa Manila Times. Bukod sa pagiging political reporter, siya ay isa ring kolumnista ng pahayagang ito.
Hanggang sa kanyang pagreretiro, nanatili si Efren sa pagsusulat at paghahayag ng mga opinyon sa pamamagitan ng Facebook.
Nakasama ko siya sa House of Representatives nang pareho kaming ma-assign doon noong panahon ni ex-Speaker Ramon Mitra Jr. at ex-Speaker Jose de Venecia. Magaling siyang sumulat. Dakong huli, nalipat siya sa Senado. Paalam Efren, mamahinga ka na. Sabi nga ni Rizal: “Morir es descansar (To die is to rest). Paalam kaibigan! Sa ginang na si Lyn, anak na sina Irene at Ryan, mga apo, nakikiramay ako.
oOo
Napilitang magpaliwanag na muli si presidential spokesman Salvador Panelo tungkol sa “Kill crazy rich” ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na ang pinatutungkulan ay mga mayayaman o oligarchs na umano’y nagnanakaw ng salapi ng mga taxpayer. Galit si PRRD sa mga may-ari ng Manila Water, na pag-aari ng mga Ayala, at Maynilad na pag-aari ni Manuel V. Pangilinan (MVP).
Nagbanta pa nga si Mano Digong na ipakukulong niya sina Ayala at Pangilinan at ngayon lang makakikita ang mga Pinoy na may mga bilyonaryo na mabibilanggo. Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Spox Panelo na hindi dapat ipakahulugan nang literal ng publiko ang pahayag ng Pangulo na “patayin ang mga baliw na mayayaman.” Biro na naman o hyperbole Atty. Panelo?
Hinimok ni ex-DFA Sec. Albert del Rosario si PDu30 na tanggapin ang imbitasyon ni US Pres. Donald Trump na dumalo sa US-Asean Summit sa Las Vegas sa Marso, 2020. Ayon kay Del Rosario, isang magandang pagkakataon ang Summit upang talakayin ng Pangulo ang relasyon ng PH at US at ang pagpapabuti sa mutual defense agreements ng dalawang bansa.
Ganito ang pahayag ni Del Rosario: “This would present an excellent opportunity for our president to place on the table his full expectations pertaining to our bilateral relations.” Nagbanta ang Pangulo na bubuwagin niya ang Visiting Forces Agreement (VFA) bunsod ng pagkansela ng US government sa visa ni Sen. Bato dela Rosa.
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Nang dahil lang sa problema sa US visa ni Sen. Bato, bubuwagin niya ang VFA na kasunduan ng dalawang bansa?” Sabad ni senior jogger: “Kasi bata niya si Bato at ito ang nangasiwa at nagpatupad sa Operation Tokhang na kumitil sa maraming buhay ng pinaghihinalaang pushers at users.”
oOo
May 81 tao na ang namatay (hindi nasasawi) dahil sa sakit na novel coronavirus (nCov), karamihan ay mga Chinese. Ang nCov ay unang sumulpot sa Wuhan, Hubei, China at biglang lumaganap sa iba’t ibang dako ng mundo. Batay sa report mula sa Wuhan, may higit 2,000 tao na ang infected nCov.
Habang sinusulat ko ito, wala pa namang kumpirmadong kaso ng nCov sa Pilipinas bagamat may ilang pasyenteng Tsino ang isinailalim sa ospital at quarantine dahil sa hinalang sila ay may nCov. Sana ay hindi mahawahan ng sakit na ito ang mga kababayang Pinoy na hirap na sa buhay, ay sinalanta pa ng pagsabog ng Bulkan Taal ang libu-libong residente sa Batangas at kalapit na mga lalawigan at bayan.
-Bert de Guzman