HINDING-hindi ko makalilimutan ang aking kamusmusan na sa gitna ng bawat paglalaro ay palaging biglang pumapasok sa isipan ang pagkainip, binibilang ang bawat araw na dumaraan, at bukambibig ang mga salitang: “Sana’y lumaki at tumanda na ako!”

Sa pakiwari ko nga, sa isang iglap, makaraan ang eksaktong 66 na mga taon, parang napakabilis ang naging katuparan ng parati kong hinihiling noon,

kaya naman sa ngayon, kabaligtaran naman nito ang aking dalangin: “Sana’y manatili pa ang aking kasiglahan upang matapos ang marami pang bagay na nakakulapol sa aking isipan!”

Bagaman lubhang mabilis nga yata ang naging pag-inog ng aking mundo at marating ang edad na 66 ngayong araw, nasisiguro kong marami akong maibabahaging makabuluhang karanasan na kapupulutan ng magandang aral at inspirasyon sa sinumang kabataan na aking makakakuwentuhan.

Ang problema ay may mainganyo pa kayang kabataan na makinig sa kuwento ko -- naming mga senior citizen -- na sa panahon ngayon ay parang suntok sa buwan dahil bihira na sa mga ito ang matiyaga na makipaghuntahan sa mga nakatatanda.

Nasabi ko ito dahil napapansin ko na kapag may matandang nagkukuwento – lalo na hinggil sa naging karanasan nito sa isang bagay na pinag-uusapan nila ng oras na iyon -- kadalasan nang tila umiikot ang mga mata at mabilis na naglalaro ang mga daliri sa teklado ng hawak nilang gadget, ang mga kabataang kinukuwentuhan, tanda nang kawalan ng interest sa kuwento ng matanda. Parang sinisilihan sa puwet ang mga tinamaan ng magaling at kung maaari lang ay layasan ang kaharap na matandang ganado sa pagkukuwento.

Sa sobrang pagiging sibilisado at moderno ng mga kabataan sa ngayon tila wala na silang oras na makinig sa mga nakatatanda – nandyan naman daw kasi ang Google at Yahoo – na makatutulong agad sa pagsagot sa kanilang mga katanungan sa isang pindot ng buton lamang.

Pansinin n’yo sa mga restaurant, magkakasama ang buong pamilya – family bonding kuno – pero ang bawat bata nakatutok sa kani-kanyang gadget at ito ang pinag-uubusan ng oras, sa halip na kuwentuhang pang-pamilya.

Yun lang, marami rin naman kasing pagkakataon na sa halip na sawayin ang mga bata ng kanilang kasamang magulang, busy rin ang mga ito sa hawak nilang cellphone. Walang duda na tila ipinagpalit na nga natin ang tradisyon at kulturang Pilipino para sa mga bagong teknolohiya.

Ngunit sa isang banda, parang natural na lamang ito dala na rin ng makabagong sibilisasyon at teknolohiya na siyang kinasasandalan ng bawat pagkilos natin sa ngayon, lalo na ng mga kabataan na tila alipin na rin ng kanilang mga makabagong gadget.

Kapansin-pansin din na maging ang paggamit ng ating pambansang wika, ang Wikang Filipino ay naiba na rin, at ang mas tinatangkilik ng nakararaming kabataan ay ang mga bagong usbong na salita na gaya ng Jejemon, Gay Linggo at iba pang Wikang banyaga na biglang nagpabago sa takbo nang kanilang pakikipagtalastasan sa mga nakatatanda.

Sa puntong ito, ang dalangin ko na lamang, nawa’y ‘di magsawa ang mga nakatatanda – na katulad ko -- sa paggabay sa ating mga kabataan upang hindi maligaw ng landas at malayo sa anumang kapahamakan na dulot ng pagiging independent ng mga ito.

Sa ganang aking sarili naman, hindi ko pinanghihinayangan ang bawat minuto na ginugol ko noon sa pakikinig sa mga kuwento ng mga nakatatanda, dahil sa magagandang-aral na napulot ko, nakaabot ako sa edad kong ito nang matiwasay, puno pa rin ng sigla, kahit na paminsan-minsan may mga nagsusulputan na pananakit ng kalamnan sa iba’t ibang bahagi ng katawan!

HABERDAY & CHEERS to me!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.