NAGSIMULA nang mag-uwian nitong Sabado, Enero 25, ang mga residente ng 12 bayan at siyudad ng Batangas, sa kanilang mga tahanan na iniwan nila nang sumabog ang Bulkang Taal dalawang linggo na ang nakalilipas, noong Enero 12.
Ang hudyat na magbalik ay agad na inanunsiyo makaraang ilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang abiso nito na nagbababa sa alert level mula Level 4 patungo sa Level 3. Ang danger zone ay nakataas na lamang ngayon sa mga lugar na nasa loob ng pitong kilometro mula sa main crater ng Taal.
Sa pagpapatupad ng Alert Level 4, idineklarang bahagi ng danger zone ang 12 bayan at lungsod at kinailangan ng mga residente rito na lisanin ang kanilang mga tahanan upang lumikas patungo sa 600 evacuation center sa Batangas, Laguna, Cavite at Quezon.
Nananatili na mang naka-ban o hindi pa makakabalik ang mga naninirahan sa dalawang bayan ng Agoncillo at Laurel, dahil ilang barangay nito ay sakop ng seven-kilometer danger zone. Kabilang sa bahaging ito ang volcano island at ilang bahagi na nakapalibot sa lawa ng Batangas.
Ang mga nagbalik naman na mga residente na tumawid ng Taal-Lemery boundary sa Pansipit Bridge ay inabisuhang maging maingat dahil sa dagsa ng mga jeepney, tricycle, at motorsiklo. Lahat ay nagnanais na makabalik na sa kanilang mga tahanan. Sinabi naman ng Phivolcs na hindi pa tuluyang natatapos ang panganib, kaya naman kailangan pa rin maging handa ng mga residente sakaling kailanganin nila mulang lumikas, kung magbabalik sa Alert Level 4 ang aktibidad ng Taal.
Umaasa tayong unti-unti nang huhupa ang aktibidad ng Bulkang Taal makalipas ang dalawang linggo ng pagbubuga ng mga abo na bumalot sa malaking bahagi na mga probinsiyang nakapalibot dito, sa Batangas, Cavite, Laguna, at Quezon, at maging sa hilaga sa bahagi ng Metro Manila at Central Luzon.
Sa dalawang linggong pagbuga ng abo ng Taal habang tumataas ang magma sa loob nito, nagkaroon ng maayos sa paglikas. Isa sa mga problemang lumutang ay ang pagka-abondona sa libu-libong mga hayop—mga baka, kabayo, baboy, kambing, kasama ng mga alagang aso—na kailangang iligtas ang sarili ilang araw bago sila tulungan na mailigtas ng ilang mga volunteers. Ang karanasang ito ay dapat na humikayat sa pamahalaan upang isama sa plano ng malawakang paglilikas ang mga hayop, tulad sa Taal.
Dapat din na magbigay-daan ang pagsabog ng Taal, upang masuportahan ang hakbang para sa pagtatayo ng Department of Disaster Resilience. Napakarami nating nararanasang kalamidad sa nakalipas na mga buwan—lindol, bagyo, baha, pagputol ng bulkan at sunog. At tila pumapasok na rin ang mundo sa panahon kung saan tumataas ang bilang mga kalamidad dulot ng climate change.
Naging mahusay ang Phivolcs at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa pagganap sa kanilang tungkulin, sa pagsabog ng Taal, kasama rin ng mga lokal na pamahalaan, ngunit kailangan ang isang Department of Disaster Resilience upang maging sistematiko ang operasyon na magpapaliit sa tsansa ng pagkamatay at pagkasira mula sa tumataas na bilang ng mga kalamidad at trahedya.