“TULAD ng Mutual Defense Treaty at Enhanced Defense Cooperation Agreement na pinasok natin sa Estados Unidos, ang Visiting Forces Agreement (VFA) ay dapat ibasura dahil ito ay mabigat at labag sa ating soberanya at hindi para ipaghiganti si Bato,” wika ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate. Nagbanta kasi si Pangulong Duterte na kakanselahin niya ang VFA kapag hindi ibinalik ng Amerika ang visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Kinansela umano ng Amerika ang 10-year multiple entry visa ng Senador dahil siya ang naglunsad ng war on drugs ng Pangulo. Eh ang Pangulo at iba pang opisyal ng gobyerno, gaya ni dela Rosa ay inakusahan ng paglabag sa karapatang pantao at pagdetine kay Sen. Leila De lima batay sa pekeng paratang. Pinagbawalan silang pumasok sa Amerika at kinansela ang kanilang mga visa. Hindi personal ang sanhi nito kundi may kaugnayan ito sa batayang karapatan ng lahat ng tao sa sandaigdigan na pinaiiral hindi lamang ng Amerika kundi sa lahat ng mga bansa. At ang pamamaraan ng Amerika sa pagpapapatupad dito ay ang kanyang karapatan at kapangyarihan isinabatas.
Maaaring may kapangyarihan din si Pangulong Digong na kanselahin ang VFA. Kaya lang nga, sa maling dahilan, ayon kay Bayan Muna Rep. Zarate. Personal, aniya, ang dahilan at ginagamit lamang ito bilang kapalit ng nais ng Pangulo na ibalik ang multiple visa entry ni Sen. Dela Rosa. Hindi nga alam ng Senador na siya ang gagawing sangkalan. Kaya, tuloy nasabi ng Senador: “Gusto kong pasalamatan ka, sir. Hindi ko alam na mahal na mahal mo ako na payag kang mawala ang VFA para sa aking visa. Hindi ko alam na ganito ako kahalaga sa iyo.” Ganito rin kababaw ang dahilan ng ginawa niyang pagbabanta sa ABS-CBN na haharangin niya ang pag-aapruba ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa prangkisa ng network na matatapos sa darating na Marso. Sinuba, aniya, siya ng ABS-CBN nang nito hindi iere ang kanyang political propaganda noong panahaon ng kampanyahan para sa panguluhan.
Hindi kaya naguguluhan na ang Pangulo sa pamamahala ng gobyerno? O sa akala niya ay alkalde pa lang siya? Noong una, ang pinakakansela niya ay ang mga kontratang pinasok ng gobyerno sa Manila Water Corporation at Maynilad Water Services. Ang mga ito raw ay onerous at mapaminsala sa kapakanan ng mamamayan na gumagamit ng kanilang serbisyo. Isa kasi sa mga probisyon ng mga kontrata ay pinagbabawalan ang gobyerno na makialam sa pagpepresyo nila ng kanilang singilin. Mananagot sa kanila ang gobyerno ng damages kapag ginawa niya ito. Pinarerepaso niya ang lahat ng kontratang pinasok ng gobyerno nang hindi pa siya ang Pangulo, gaya ng kontrata ng Manila Water at Maynilad na nagawa sa ilalim nina dating Pangulong Ramos at Macapagal Arroyo. Ngayon naman, ang pinakakansela niya ay ang tratado o kasunduan sa Amerika. Eh ang VFA ay kasunduan na sumailalim sa mahabang diplomatic negotiation bago niratipikahan ng Senado pagkatapos ng matinding deliberasyon, ayon kay Sen. Ping Lacson. Naganap ito maraming taon na ang nakararaan sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino.
“Seryoso sa kanyang paninindigan ang Pangulo na wakasan na ang VFA,” wika ni Foreign Secretary Teddy Locsin. Tignan natin kung sino ang unang kukurap, ang Pangulo o ang mga Kano?
-Ric Valmonte