IBINASURA ng Korte Suprema ang petisyon ni Sen. Leila de lima para sa habeas data bilang proteksiyon, umano mula sa mga banta at berbal na pag-atake ni Pangulong Duterte, sa desisyon na inilibas nitong nakaraang Miyerkules.
Ginawa ang desisyon ng Korte Suprema na umupo sa en banc noong Oktubre 15, 2019, kung saan bumuto ang 13 hukom. Nilagdaan ito ni noo’y Chief Justice Lucas Bersamin.
Ang pagbasura ng korte sa desisyon ay dahil hindi umano maaaring kasuhan ang pangulo ng Pilipinas ng administratibo, sibil, o maging criminally liable sa anumang paglabag— habang siya ay nasa Malacañang—sa kanyang termino o panahon ng panunungkulan maliban na lamang kung ito ay magbitiw o mapatalsik sa impeachment.
Sa kanyang petisyon, inakusahan ni Senadora De Lima na mula nang umupo sa puwesto si Pangulong Duterte noong 2016, naglalabas na ito ng mga pahayag na “malign her as a woman and degrade her dignity as a human being,” na labag sa Magna Carta of Women at sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Aniya, inaakusahan siya ng Pangulo ng pagkakasangkot sa kurapsyon at ilegal na droga at imoralidad, sa paulit-ulit na patutsada ng Pangulo na may relasyon siya sa kanyang driver. Nagsimula, aniya, ang mga pag-atake matapos siyang magbigay ng talumpati sa Senado noong Agosto 2016, na nananawagan sa pagtapos ng extra-judicial killings sa kampanya ng Pangulo sa ilegal na droga.
Kung iba itong tao, o opisyal ng pamahalaan na inakusahan niya ng lahat ng nabanggit, maaaring umusad ang kaso. Ngunit pinili ni De Lima na akusahan si Pangulong Duterte. At madali lamang ibinasura ng Korte Suprema ang kaso dahil sa iisang dahilan, ang presidential immunity. Hanggat nakaupo siya sa Malacañang, ang Pangulo—o sinumang pangulo—ay hindi mapapasabak sa korte para sa anumang paglabag.
Sa trahedya ng Mamasapano noong 2015, kung saan 44 na miyembro ng Special Action Force ang napatay ng mga rebelde sa Maguindanao, sinisi ng ilang sektor si Pangulong Benigno S. Aquino III na nais siyang kasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, kasama nina noo’y Philippine National Police Chief Alan Purisima at Special Action Force chief Getulio Napenas. Ipinag-utos ng Ombudsman ang paghahain ng kaso laban kay Aquino sa pakikipagsabwatan kina Purisima at Napenas noong Agosto, 2019, ngunit ibinasura lamang ng Sandigan ang kaso kay Aquino, habang nagpatuloy ang pagdinig sa kaso nina Purisima at Napenas, hanggang sa mapawalang-sala, kamakailan.
Inihain ni De Lima ang petisyon para sa habeas data noong Nobyembre, 2016, at ibinasura na ito ng Korte Suprema. Inaresto siya noong Pebrero 2017, sa tatlong kaso ng pakikipagsabwatan para umano sa kalakalan ng ilegal na droga. Patuloy na nakatengga ang pagdinig sa kanyang kaso matapos magbitiw ang anim na hukom mula sa kaso, inhibition man o pagreretiro ang dahilan. Kasalukuyan siyang nakadetine ngayon sa Philippine National Police sa Camp Crame, Quezon City.
Sa pagkabasura ng kaso ng habeas data, ang korte, sa tungkulin nitong pamahalaan at mag-kontrol sa judicial system ng bansa, maaari ngayong bigyan ng atensiyon ng korte ang pagkaantala sa kaso ni De Lima dahil sa ‘di malinaw na pag-atras ng mga hukom na humahawak sa kanyang kaso.