KUNG paniniwalaan si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, nais niyang dumalo si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa ASEAN summit na gaganapin sa Las Vegas sa Marso, 2020. Mismong si US Pres. Donald Trump ang nag-imbita kay Mano Digong na pumunta sa US kasama ang siyam pang lider ng Association of Southeast Asian Nations (Asean).

Ayon kay Sen. Bato, kakausapin niya ang Pangulo upang i-reconsider nito ang desisyon na hindi magtungo sa US dahil sa pagkansela sa US visa ng dating Hepe ng Philippine National Police (PNP) dahil umano sa extrajudicial killings kaugnay ng kampanya ng Duterte administration laban sa illegal drugs.

Dahil din sa kanselasyon ng visa ni Sen. Dela Rosa, nais din ni PRRD na tapusin na ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas sa United States. Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, seryoso ang Presidente na buwagin ang kasunduan dahil nga sa kanselasyon ng visa ng paborito niyang alyado na nagpatupad ng matinding drug war sapul noong 2016.

oOo

Hindi pa halos nakababangon ang libu-libong tao sa Batangas, Cavite at mga kalapit na lugar sa pagsabog ng Taal Volcano, heto na naman ang banta ng panibagong sakit na nagbabantang maminsala sa Pilipinas. Ang kakaibang sakit na ito na kung tawagin ay “novel corona virus” (nCov) ay mula sa Wuhan, China.

Habang sinusulat ko ito, mahigit na sa 40 tao ang namatay dahil sa N-Cov sa China. Libu-libo pa ang naiulat na tinamaan din ng kakaibang sakit na ito. May mga balita na maging sa ibang mga bansa ay nagkaroon na rin ng mga kaso ng nCov, tulad ng Japan, Thailand, South Korea, US, France.

Sa kabila ng patuloy na pagkakasakit ng mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo dahil sa 2019-nCov, atubili pa rin ang World Health Organization (WHO) na ideklara ito bilang “public health emergency of international concern” (PHEIC).

Sana naman ay hindi makapasok ang nCov sa ating bansa sa harap ng katotohanang libu-libong Tsino ang nagpupunta sa Pilipinas araw-araw dahil sa pagluluwag sa kanila ng administrasyong Duterte. May mga nai-report nang kaso sa Cebu, Kalibo, Aklan, Palawan, pero ang mga pasyenteng Tsino ay nag-negatibo naman sa nCov.

oOo

Tinanggihan ni Foreign Affairs Sec. Teodoro LocsinJr. ang alok na “blood money” ng mga among Kuwaiti ni OFW Jeanelyn Villavende na brutal na pumatay sa kanya. Ayon sa report, may P50 milyong blood money offer ang mag-asawang Kuwaiti.

“There will be blood @ DFAPHL for Jeanelyn Villavende. I renounced and reject any offer of blood money for her torture/murder. I want two lives for life they took,” mabagsik na pahayag sa Twitter post ng Ingliserong si Locsin noong Biyernes.

Sinabi ni Locsin na ang top-notch lawyer na kinuha ng DFA ay hindi awtorisado na magmungkahi o tumanggap ng “dugong-salapi” mula sa mga Kuwaiti killer. Nagbanta rin siya sa sino mang kawani ng DFA na magpapahiwatig sa pagtanggap ng “blood money.”

Si Villavende ay brutal na pinatay sa Kuwait halos anim na buwan matapos dumating doon para magtrabaho. Siya ay ginahasa at bugbog-sarado pa.

-Bert de Guzman