MGA baguhang kampeon ang nakilala sa pagtatapos ng World Slasher Cup 1 2020 9-cock derby nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos ang 53 na bakbakan, umangat sina Edwin Tose at Daday Siochi (419 DS Solid North GF), Carlos Gayoso at Arnold Mendoza (Matandang Gasan 1), at si May May (Batang San Juan) upang tanghaling mga kampeon ng pinakaaabangang cockfighting derby sa mundo. Ito ang unang titulo ng lahat ng mga nagwagi, na nagpakita sa mundo ng sabong na lahat ay may kakayahang manalo gamit ang tamang panlaban.
Ang tatlong kampeon ay nakakamit ng 8-1 na puntos laban sa mga nakaraang kampeon at beterano ng World Slasher Cup. Sumunod sa kanila na may mga 7-2 na puntos ay sina Frank Berin, Aurelio Yee, Magno Lim, Gerry Escalona, Boyet Legaspi, Boy Montano, Cesar Mercado, Icha Perez, Ronald Del Rosario at Romeng Edanio.
Kasamang binigyan ng karangalan ay si Rayandra Alexander Seville, ang anak ng pumanaw na American breeder at World Slasher Cup pioneer na si Ray Alexander. Ang kakatapos lamang na derby ay isang tribute sa lahat ng nagawa ni Alexander para sa komunidad ng mga sabungero.
Maaaring abangan ng mga manlalaro at tagahanga ng sabong ang susunod na World Slasher Cup 2 na magaganap sa May 25, 2020 sa Smart Araneta Coliseum.