TIYAK ang ratsadahan ng mga Pinoy runners sa ika-apat na edisyon ng Laban ng Lahi 23K Platoon Run Challenge sa Setyembre 17-19 sa Bislig, Surigao del Sur.
Kabuuang P3 milyon ang nakataya sa patakbo na may temang One Nation, One People, One Philippines, ang karera ay suportado ng lokal na pamahalaan ng Bislig City, kinatawan ni Vice Mayor Jonas Cacayan kaalinsabay sa pagdiriwang ng Charter Day ng lungsod.
“Ang aming lungsod ay sadyang sumuporta sa Challenge Run, hindi lamang inganyuhin ang ating mga iba’t ibang lahi na may pagmamahal sa sports, kung hindi ipakilala natin sa buong mundo kung ano mayroon tayong kagalingan sa mga nagpartisipa nating katutubo, “ giit ni VM Cacayan.
“ Pinasasalamatan natin ang mga opisyal natin sa Bislig City, dahil hindi sila nag-atubili upang gabayan tayo sa ating Olympic level run at maging ang mga magpapartisipa, kabilang na ang Senior Citizens Platoon team na maaga pa lamang ay nagpahiwatig ng kanilang kahandaan, “ paliwanag naman ni National Chairman/founder Airforceman Capt. Junel Pogoy.
Maliban sa P3 milyon na iuuwi ng platoon team champion, ang second at third place teams ay tatanggap naman ng P800,000 at P500,000 ayon sa pagkakasunod.
Kailangan naman na 29 sa 31 kasaling runners kada koponan ang tumapos sa karera para mag-qualify sa top three major prize.
Pangungunahan naman ng defending champion Calabarzon ang mga inaasahang koponan na lalahok sa karera.
Nagparating na rin ng kanilang paglahok ang Netherlands Platoon Team-ang lahat ay kababaihan- sa sinasabing Global Challenge Run- na posibleng lahukan ng 50 hanggang 100 Platoon Teams.
“Handa po ang aming lungsod sa seguridad at kapayapaan ng Laban ng Lahi 23K Platoon Challenge Cup-3M Ultimate Champion Prize (One Nation, One People, One Philippine Race). Ilalaan po namin ang lahat ng suporta para sa ikatatagumpay ng labanan ng mahuhusay na iba’t ibang lahi, lokal man o ibang bansa, “ sinabi naman ni Bislig City Executive Sec. Rosendo Campos.
Sinabi ni overall race director/coach Nicanor Gandeza na nakipag-ugnayan na sila sa PNP, militar, marshalls at iba pang sektor para sa ikatatagumpay ng Laban ng Lahi 23K Platoon Run Challenge.
Pormal nang itinalaga ng International Olympic Committee (IOC) Boxing Task Force ang Jordan na maging kapalit na host country para sa 2020 Asia-Oceania Olympic qualifying tournament na nakatakda sa Marso 3 hanggang 11.