RELATE much si Kim Chiu sa karakter niya sa Love Thy Woman bilang anak sa second family ni Christopher De Leon as Adam Wong at ang ina niya ay si Sunshine Cruz sa role na Kai Estrella.
Hindi naman tago sa lahat na produkto ng modern Filipino- Chinese family si Kim dahil ang kanyang ama ay may ibang pamilya bukod sa kanila sa totoong buhay. Ang pagkakaiba lang, first family sina Kim, samantalang ang karakter niya sa Love Thy Woman bilang si Jia ay kabilang sa ikalawang pamilya.
Sa LTW mediacon ay natanong ang aktres kung paano siya nakaka-relate sa karakter niya ay paano nabago ang pagtingin niya sa love sa bago nilang teleserye na magsisimulang umere sa Pebrero 10 sa Kapamilya Gold.
“Growing up, kagi akong nagwa-wonder kung nasaan ‘yung papa ko, lagi kasi siyang nawawala. Ang dami kasi niyang pinupuntahan, hindi kasi siya bahay, city, so nililipad niya (bumibiyahe) talaga ‘yun.
“So, habang lumalaki (ako), okay na ako na walang father figure, pero pag may special event nandiyan siya, kunwari a-awardan ako, honor kasi ako nu’ng elementary ako, so (tanong sa sarili), ‘sinong pupunta, sinong aakyat?’ Tapos magugulat na lang ako na, ‘ah si Papa pala, dumating siya.’ So ‘yun ang naging motivation ko na everytime na mayroon akong award, pupunta siya, pati sa mga birthdays,” kuwento ni Kim.
Dagdag pa, “In real life, I am the first family. My dad also has a lot of wives—one, two, three, four, five, mga ganun pero kami yung una. Marami kami. Mapagmahal lang yung Papa ko. And it really happens talaga, and accepted siya ng lahat ng wife, pero hindi ipinapakita.”
At kapag umiikot na ang kamera sa kanila ay labis nang naintindihan ngayon ni Kim ang pakiramdam ng 2nd family na inihambing niya sa totoong buhay.
“Kaya nga pag tinitingnan ko, pag nag-aarte kami, sabi ko, ‘Shucks, kawawa rin pala yung mga anak ng Papa ko, noh?’ Kasi pag first family, parang ikaw yung pinakamatapang. Now I understand what are they feeling, ‘yung mga kapatid ko sa labas. In this teleserye, you can see what really happens inside a modern Chinese family,” say pa ng dalaga.
Samantala, ang Love Thy Woman ang balik-tambalan nila ni Xian Lim kaya buhay na buhay na naman ang KimXi supporters dahil apat na taon din nilang hinintay na magsama muli ang dalawa kasi nga umalis na ng ABS-CBN Star Magic ang aktor at ang Viva Artist Agency na ang namamahala sa karera ng nito.
Inamin ni Kim na nu’ng una silang magka-eksena ni Xian ay nanibago siya, “nanibago kaming dalawa tapos nagtawanan kami, parang ang hirap umarte, teka ulitin natin ito, from the top kasi para siyang adobo (ulam) na pinatulog mo ‘yung oil, namuti tapos nu’ng pinainit mo, ‘yun na ulit, parang ganu’n ‘yung feeling, adobo.”
Pagdating naman sa personal life nila ni Xian ay hindi na nila itinatago na.
“Hindi naman kasi kailangang itago na, hindi na kami pa-tweetums,” say ni Kim.
Base rin kasi sa mga post nila sa social media accounts nila ay talagang super sweet na sila at kulang na lang ay kasal dahil sa tuwing nasa ibang bansa sila ay para silang honeymooners.
Kaya natanong kung ilang taon na ang relasyon nila ni Xian, “ibinibigay na namin lahat, sana ‘yung numero sa amin na lang,” pakiusap ng Chinita Princess.
Pero klinaro na hindi na siya clingy tulad ng dati at nag-mature na ang dalaga, “kasi dati clingy ako, ngayon hindi na, gusto ko na ng space, pero siya (Xian) ang shock absorber ko,”natawang sabi ni Kim.
Anyway, ang Love Thy Woman ay mula sa direksyon nina Jeffrey Jeturian, Andoy Ranay, at Jerry Lopez Sineneng, kasama rin sa serye sina Zsa Zsa Padilla, Sunshine Cruz, Yam Concepcion at Ruffa Gutierrez at supporting role naman sina Jana Victoria, Jennifer Sevilla, Chienna Filomena, China Yoo, David Chua, Shido Roxas, Tim Yap, Kimberly Tan, Tori Garcia, Turs Daza, Karl Gabriel at Mari Kaimo.
-REGGEE BONOAN