“HINDI maingat na hakbang kapag nagpadala ako, gaya ng Vietnam, ng mga maliit na sasakyang-dagat para lang magapi. Ang reaksyon ay maaaring hindi iyong inaasahan kapag kumilos ako dahil sa dami ng mga barko ng mga Amerikano dito. Baka samantalahin nila at magkunwari na idenepensa nila ang Pilipinas at baka hindi makontrol,”
wika ni Pangulong Duterte sa tape interview ng Russia Today na iniere noong Biyernes. Ito ay pagtatanggol niya sa kanyang posisyon na walang pandarahas laban sa China na inaangkin ang buong South China Sea. Kasi, ayon na rin sa kanya, hindi niya kayang gawin ang ginawa ng Vietnam na magpadala ng mga barko para komprontahin ang panghihimasok ng China sa kanyang exclusice economic zone sa South China Sea. Ang nais ni Pangulong Digong ay makipagkaibigan tayo sa China at paunlarin ang kalakalan at komersiyo at hayaan na lang ang panahon ang maghilom sa ating sigalot dito. Bahala na, aniya, ang kinabukasan ang mag-alaga sa kanyang sarili. Ipinagtanggol niya ang kanyang independent foreign policy na palakasin ang relasyon sa China at Russia.
Mahirap paniwalaan na ang ipinupursige ni Pangulong Duterte ay malayang polisiya sa pakikipag relasyon sa ibang mga bansa. Ang pakikitungo natin sa ibang mga bansa ay batay sa ating dignidad at integridad bilang isang malayang bansa. Kinikilala at ginagalang ito ng mga ibang bansa dahil matapang nating ipinaglalaban at ipinagtatanggol ito. Hindi naman lahat na kayang gawin ito ay may kayang makipagdigmaan. Tama ang Pangulo, hindi natin kayang gawin ito, lalo na sa China, dahil sa liit natin at walang malaking armadong pwersa para makipaglaban. Pero, bahagi tayo ng kalipunan ng mga bansa na, batay sa naranasan na mapanira ng mga buhay at ari-arian at mapanghamak sa sangkatauhan ang digmaan, iwinawaksi na ito. Para ito sa kapayapaan, at masama sa kanyang panlasa ang paggamit ng karahasan para pangibabawin ang interes ng isa sa iba.
Ang ginawa ng Vietnam nang harapin at pigilin ang pagpasok ng China sa kanilang exclusive economic zone ay ipagtanggol ang kanyang teritoryo. Ang ginawa naman natin ay kumuha ng arbitral ruling na nagpatibay sa karapatan natin sa West Philippine Sea. Kung ang Vietnam ay may puwersang kayang ipagtanggol ang kanyang sarili, mayroon naman tayong matibay na dokumento para gamitin laban sa paghihimasok ng China sa teritoryong kinumpirma ng mga ibang bansa na atin. Kahit ba sagisag man lang ng pagtutol ang ating ginawa na madalas kung gaano kadalas ang pagpupursige ng China na makialam at manghimasok sa ating teritoryo. Kahit paano, maiilang ang China at makakuha tayo ng pandaigdigang simpatiya. Mangyayari ito, sapagkat maraming bansa ang gumagamit ng malaking bahaging ito ng dagat para komersiyo. Ang problema, ang Pangulo pa ang unang nagbasura ng arbitral ruling. Ang una niyang dahilan ay baka magbunga ng digmaan ang pagpilit natin sa China na kilalanin ang arbitral ruling, eh hindi natin kaya ito. Ngayon naman, kapag ginaya natin ang Vietnam baka magresulta sa digmaan dahil sasamantalahin ng mga Kano para sagupain ang China sa pagkukunyaring idenedepensa ang Pilipinas. Ang foreign policy ay nakabatay sa ating tapang at panindigang ipagtanggol at itaguyod ang kapakanan ng bansa sa ating relasyon sa iba. Ang foreign policy ay katapangan na itaguyod at ipaglaban ang interes at integridad ng bansa
-Ric Valmonte