HINDI raw masyadong interesado si Pres. Rodrigo Roa Duterte na magtungo sa United States para dumalo sa special summit ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) na gaganapin sa Las Vegas, Nevada sa Marso 14. Habang sinusulat ko ito, wala pang pormal na sagot ang Malacañang kung magtutungo sa US si Mano Digong.
Ang ating Pangulo ay imbitado ni US Pres. Donald Trump, kasama ang siyam pang lider ng ASEAN. Sinabi ni PRRD na labis siyang nasaktan sa sinabi noon ni ex-US Pres. Barack Obama hinggil sa kanyang anti-illegal drug war. Dahil dito, nangako siyang kahit kailan ay hindi siya tutuntong sa US.
Gayunman, nais ng Malacañang na malaman mula sa gobyerno ni Uncle Sam kung si Mano Digong ay bibigyan ng US visa. Sakaling siya ay pagkalooban nito, tiyak ba siyang papasukin sa US para sa ASEAN special summit?
Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na “nag-iisip” ngayon ang Pangulo tungkol sa imbitasyon ni Trump na itinuturing niyang kaibigan, tulad nina Chinese Pres. Xi Jinping at Russian Pres. Vladimir Putin. Mahalaga ang pulong o summit ng mga lider ng ASEAN at ng US. Maging sina senador Panfilo Lacson at Richard Gordon ay hinihikayat si PDu30 na dumalo sa nasabing summit.
oOo
Iba talaga ang may pinagsamahan. Iba ang relasyon ng Boss at ng matapat na tauhan. Dahil sa pagkansela ng US government sa visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, dating PNP chief, nagbanta si PRRD (ang Boss) na tatapusin niya ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng US at ng Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, kung hindi aayusin ng US ang kanselasyon ng US visa ni Bato (ang tauhan) mapipilitan siyang lagutin ang VFA. Binigyan niya ng isang buwang palugit ang gobyerno ni Trump na ayusin ang kanselasyon ng visa ni Bato, at kung hindi ite-terminate niya ang kasunduan.
May mga nagtatananong kung basta-basta na lang mate-terminate ng ating Pangulo ang VFA dahil ito ay isang tratado na nilagdaan ng Senado. Kailangan daw ang pagsang-ayon ng Senado upang maging balido ang paglagot sa kasunduan. E, sino ba ang puno ng Senado?
oOo
Sa isang news story sa English broadsheet noong Biyernes, ganito ang titulo: “Corruption perception in PHL worsens.” Aba naman, lumalala pa raw ang kurapsiyon sa minamahal nating Pilipinas.
Ang persepsiyon daw ng katiwalian sa ‘Pinas ay mas lumala noong nakaraang taon.
Bumaba ng 14 puwesto at naging ika-113 sa global Competition Perception Index (CPI) ang ating bansa sa Berlin-based Transparency International. Hindi ito magugustuhan ng Duterte administration, lalu na’t ang pagbaka sa kurapsiyon ang isa sa mahalagang pangako ng Presidente noong 2016.
-Bert de Guzman