Pumalona sa P36-billion ang industriya ng courier at freight business sa Pilipinas, na iniuugnay sa paglago ng online sales sa bansa, na bahagi ng lumolobong merkado ng online shopping sa mundo.
Inaasahang papalo ang global online shopping market na ito sa $4 trillion pagsapit ng 2020, kung saan United States consumers ang nangunguna sa worldwide trend, na sinusundan ng United Kingdom, Sweden, France, Germany, Japan, Spain, China, Russia at Brazil. Habang ang natitirang bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas, ay mabilis na nakasusunod sa trend ng online shopping para sa mga produktong tulad ng smartphones, damit, at household supplies.
Gayunman, ang trend sa Pilipinas, ay sinasabayan naman ng pagtaas ng problema sa lumalawak na ilegal at ‘di lisensyadong mga dayuhang courier na naglilingkod sa industriya. Sinabi ng Citizens Crime Watch (CCW) na nakatanggap na ito ng maraming reklamo hinggil sa mga nawawalang package, misdeliveries, at non-deliveries ng maraming courier na walang karampatang lisensiya at permiso mula sa pamahalaan.
Sa ginanap na huling deliberasyon sa Kongreso para sa pambansang budget, nanawagan si Buhay party-list Rep. Lito Atienza kay Department of information and Communication Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan, na silipin ang mga operasyon ng naturang mga courier, na nakadepende ang operasyon sa online connectivity.
Sinabi naman nina CCW National President Diego Magpantay at Chief Legal Counsel Ferdinand Topacio na naglabas na ang DICT ng babala laban sa mga ‘di rehistradong mga kumpanya ngunit, anila, wala umanong konkretong hakbang ang naisagawa upang maipasara ang mga ito. May ilang labor laws din umano ang lantarang binabalewala ng mga ito, tulad ng sa pasahod, benepisyong pangkalusugan, at social security para sa mga personnel. “There are also reports that colorum couriers, wittingly or unwittingly, have been tapped to deliver drugs and other contraband by criminal syndicates.”
Sa tala ng DICT, 118 sa mga courier services ang akreditado ngayon ng DICT. Ang pagsusuri sa kanilang pagtupad sa mga regulasyong polisya, batas at regulasyon ng bansa ang magiging unang hakbang para sa pagsisiyasat, na susundan ng tiyak na kaso ng mga naidi-deliver na mga kontrabando. Pagbabahagi ng CCW, ang naging pambobomba sa Quaipo noong 2017 ay naiulat na nagmula sa isang package na ipinadala sa pamamagitan ng isang service sa consignee.
Sa Senado, sinabi ni Sen. Sonny Angara na ipinagkaloob na sa DICT ang pagtaas ng P6.2 billion para sa 2020 budget nito, upang makasunod na ito ng mabilis sa digital age.
Sa Kamara, maaaring isulong ni Congressman Atienza ang isang pagsisiyasat sa P36-billion courier at freight industry sa gitna ng mga reklamo at ang nagpapatuloy nitong paglago kasama ng worldwide trend para sa mas malawak na online business and industry.