MAGING malusog at tumulong sa paglilinis ng kapaligiran.
Ito ang 2-in-1 na layunin ng Green Media Event sa pagorganisa ng 4th ‘Takbo sa Kalikasan’ fun run – unang yugto ng isinusulong na Fire Run sa Mayo 31 sa CCP Complex sa Pasay City.
Ayon kay Jenny Lumba, Managing Director ng Green Media Event, isasagawa ang patakbo bilang pagsuporta din sa LGBTQ community na kabilang sa mga pangunahing tumatangkilij sa kanilang fund-raising activities tulad ng Pride Run at #lovewins advocacy.
“Patuloy po ang aming community outreach program tulad noong nakaraang taon kung saan ang Green Media events team at ilang volunteers namin ay namahagi ng groceries, medicines at feeding program sa mga piling charity institution, higit yaong nagsasagawa ng programa sa mga naapektuhan ng bulkang Taal ay sisikapin naming makapagpaabot din sa kanila ng tulong,” pahayag ni Lumba sa kanyang pagbisita sa TOPS ‘Usapang Sports’ na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, PAGCOR, at Community Basketball Association.
Hinikayat naman ni Fritz Labastida, ang running ambassador at tinaguriang ‘barefoot diva’ ang publiko na makilahok sa 3k,5k,10k at 16k upang makatulong sa programa ng pamahalaan na mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng kapaligiran. “Hindi kailangan mauna ka sa finish line, ang importante, makiisa ka sa paglilinis. Yung mga plastic bottles na madadaanan mo sa ruta, puwede pulutin at ipunin. May mga katapat yang sopresang premyo,” sambit ni Labastida.
Binubuo ang event series ng apat na elemento ng daigdig kung saan ang 2nd edition ay sa Hulyo 19 na Water Run, sa Set. 20 ang Air Run at ang 4th edition ay ang Earth Run sa Nob. 22.
“Nakatutuwa na mula sa 100 runners sa inaugural event namin, ngayon umaabot nakami ng mahigit sa 3,000. Masaya kami at pinatutunayan lamang nito na malakas na talaga ang awareness sa ating mga kababayan about climate change at sa tamang pangangalaga ng kalikasan,” sambit ni Lumba.
-Annie Abad