HALOS isang buwan pa lamang ang nakararaan, mula ng maranasan ng bansa ang mga naunang kalamidad, muling sinusubok ang bansa ng mga serye ng tragedya at kalamidad na nakaapekto sa daang libong mamamayan at sumira ng mga ari-arian. Sa kabila ng ipinagmamalaking ‘Filipino resiliency,’ ang epekto ng mga pangyayaring ito ay napakalala.

Ang bugso ng mga kalamidad ay nagsimula noong Disyembre 15, 2019, nang isang 6.8 magnitude na lindol ang yumanig sa Davao del Sur. Makalipas lamang ang siyam na araw, binayo naman ng Bagyong Ursula ang rehiyon ng Visayas, na nag-iwan ng daan-daan patay.

At nagsisimula pa lamang ang bagong taon, ginimbal ang mundo ng balitang pagpaslang ng isang US drone sa Iran top general. Ang pangyayaring ito ay humantong sa agarang pagganti ng Tehran, na nagpaulan ng misiles sa mga base ng Amerika sa Iraq. Bilang resulta, humantong ang Pilipinas sa desisyon na magdeklara ng ‘compulsory evacuation’ sa lahat ng mga Pilipinong nasa Iraq.

Noong Enero 6, 2020, isang 5.4 magnitude naman na lindol ang tumama sa Davao Oriental, na sinundan ng isang 4.6 magnitude makalipas ang walong araw, kung saan sentro ng paggalaw ang Polomolok, South Cotabato. Ngunit ang tunay na sumindak sa buong bansa ay ang naging pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero 12, na humantong sa malawakang paglikas ng mga residente ng apat na bayan ng Batangas na pumapalibot sa lawa kung saan matatagpuan ang bulkan.

Bagamat nagpakita ng kahandaan ang pamahalaan, sa mabilis nitong pagtupad sa tungkulin upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga evacuees, binuhay muli ng kalamidad ang panawagan sa Kongreso na ipasa na ang batas na lilikha ng Department of Disaster Resilience.

Ang pangangailangan na makapagtayo ng isang ahensiya na tututok sa pagtugon sa mga kalamidad, na nakatakda nang talakayin ng Senado, ay hindi lamang isang pagtitipon ng mga state resources sa panahon ng kalamidad. Hinggil din ito sa pangangailangan na maiayos ang lahat ng hakbang at aksiyon sa tuwing tatama ang isang trahedya, lalo na kung kailangan ang paglikas, pagbabalik at paglilipat.

Ang ahensiya, sakaling maitatag, ang magpapatupad ng kailangang aksiyon sa paraan kung paano natin maihahatid ang pampublikong serbisyo sa mga tao na nasa matinding sitwasyon. Sa mga lumipas na taon, ang tungkulin ng pagtugon sa pangangailangan ng kalamidad ay pinaghahatian pa ng ilang ahensiya, na tulad ng maaasahan, ay madalas na lumilikha ng komplikasyon, na kung minsan ay nagreresulta sa sisihan.

Ang pangangailangan para sa isang ahensiya na magbibigay ng direktiba sa bawat aspekto ng paghahanda sa kalamidad ay isang mainam na paraan ng lubusang pag-unawa, o maisip, ang mga isyu na lulutang sakaling isang trahedya ang lumitaw. Sa ngayon, ang istruktura ng disaster resiliency ay nakasandal pa rin sa aksiyon ng mga ahensiya, na imitado rin ang tungkulin sa panahon ng kalamidad, depende sa pinapayagan lamang na kanilang gawin.

Isang magandang balita na unti-unti nang nabibigyan ng liwanag ang paglikha ng Department of Disaster Resiliency. Umaasa na lamang tayo, na hindi na maaantala ang pagpapatupad nito, ng politikal na girian, na minsan ay nagiging balakid ng isang magandang panukala.

-Johnny Dayang