‘DI ko alam kung magmumura o bubunghalit na lang ako ng tawa sa isang nag-viral na larawan sa social media, na may caption pa na puring-puri ang bagong pamunuan nito dahil sa pagbibigay umano ng magandang serbisyo sa mga mamamayang tumatangkilik dito.
Makikita sa larawan na kampanteng nakaupo ang mga pasahero, walang nakatayo sa estribo, at karamihan ay busy sa kanilang mga smart phone – marahil gusto ring ipamarali nang nag-post nito na may mabilis na libreng WiFi sa loob ng modernong train na tumatakbo sa makasaysayang highway ng EDSA.
Maraming netizen na nakabasa sa viral na post na ito ang positibong nagkomento at pinasalamatan agad ang administrasyon sa pagbibigay ng reliable at kumportableng public transport system na ang MRT at LRT nga -- dream on lang kayo!
Aba’y teka muna – matanong ko lang sa nag-post ng larawan at sa mga agad nag-share nito kaya naging viral: “Kelan ba at anong oras kuha ang litratong ito?”
Dagdag tanong ko pa: “Dios mio, sumasakay ba kayong talaga sa MRT at LRT – kelan ba kayo huling nagsisakay rito?”
Dahil sa malalang trapiko sa mga pangunahing lansangan sa buong Metro Manila ay matagal na akong ‘di nagda-drive at nagtitiis akong makipagbalyahan at makipagsiksikan – opo kahit na senior na ako at may pribilehiyo na mauna at maupo sa mga pampublikong sasakyan – at madalas akong nakakatikim na mayapakan at maipit sa loob ng palaging siksikan na mga coaches ng MRT at LRT.
Katwiran ko sa pagsakay sa MRT at LRT – kahit mistula akong basang basahan pagbaba ko sa MRT/LRT station -- sigurado naman kasing makararating ako ng on-time sa aking appointment o pupuntahan, ‘wag lang itong magkakaaberya sa pagitan ng mga istasyon.
Sa bagay na ito, palagay ko, kaisa ko ang may 300,000 pang kababayan natin na isinasantabi na lamang ang salitang KUMPORTABLE, at tinitiis ang bulok na serbisyong ito ng MRT at LRT. Wala naman kasing pagpipilian, dahil na rin sa kakulangan ng isang reliable na public transport system, lalo na rito sa Metro Manila.
Naalala kong bigla na sa kalakasan ng serbisyo ng MRT – noong 1998 nang unang umarangkada ito sa EDSA, ang kalakasan ng pagtangkilik dito ng mga kababayan natin ay umabot sa 500,000 araw-araw.
Mantakin n’yo naman – yung 500,000 na pasahero na sumasakay sa 22 train ng MRT3 na bumibiyahe araw-araw sa EDSA ay sobrang nagpaluwag sa daloy ng mga sasakyan sa EDSA.
Ang siste, nang makialam sa operasyon ang mga “genius” na opisyal ng pamahalaan – pinalitan ang ekspertong kumpaniya na humahawak sa “service & maintenance operations” ng mga train, ng kumpaniya na mga expert kuno at Pinoy raw — ay nagkahetot-hetot na ang takbo ng MRT3.
Yun dating 500,000 pasahero daily ay bumaba sa 250, 000 na lamang, dahil sa naging 10 train na lamang ang natitirang nagse-serbisyo sa mga tao. Sa sobrang galing yata nung ipinalit na service maintenance, halos maubos ang matitinong train ng MRT3!
Siyempre, yung 250,000 pasahero na hindi na ma-accommodate ng MRT3 napilitan na bumaba muli sa EDSA at doon naghanap ng masasakyan nila. Resulta – dumami ang mga kolorum at pribadong sasakyan sa kalsada, sa EDSA. Ito ang umpisa ng naging problema sa trapik!
Sa ngayon, magmula ng ibalik sa kumpaniyang Hapones na Sumitomo ang maintenance operation ng MRT3, kahit painut-inot ay nagkakaroon ng pagbabago sa serbisyo nito. Yun lang, kailangan pa rin nating maghintay ng mga dalawa hanggang tatlong taon pa – bago tuluyang mabalik ‘yung dating bilang na 22 train na tumatakbo sa kahabaan ng EDSA 21 taon na ang nakararaan.
Ang nakaiiyak dito, sa halip na maragdagan ang train ng MRT at LRT makaraan ang mahabang panahon, magbabalik lang ito sa dating estado -- na siguradong huli pa rin dahil mas marami ang mga pasahero ngayon!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.