SA pagputok ng bulkang Taal, at patuloy na pag-aalburoto nito, nabulabog na naman ang sambayanang Pilipino. Totoo, ang naapektuhan nito ay ang mga taong nasa mga lugar na malapit dito, pero malayo man sila o hindi man sila naapektuhan, ay nagsigalaw din atas ng pangangailangan ng kanilang kapwa. Sila ang mga kapagdaka ay nasa piling ng mga nasalanta, nagbibigay ng lahat ng uri ng tulong para mabawasan ang kanilang paghihirap.
Sa panahon ng sakuna, lumalabas ang likas na kabutihan ng tao, maliban sa mga iilan na makasarili at sinasamantala ang sitwasyon para kumita sa paghihirap ng iba. Ang mga may mabubuting kalooban ay kumikilos sa sarili nilang kakayahan at wala silang pakialam kung ganito rin ang gagawin ng gobyerno. Pero, kadalasan ay atrasado itong magpaabot ng tulong. Kasi, ang mga pulitiko na nagpapatakbo ng gobyerno ay iyon ang mga nabibilang sa makasarili. Kailangan kasing magpakilala at makilala sila at kailangan magdaus muna ng pulong at dinggin muna nila ang mga hinaing ng taumbayan. Ibang usapan kung tutugunan nila ang kanilang mga hinaing o kung tutugunan naman nila, makakaabot ba ito sa kinauukulan? Sa mga ganitong sitwasyon, problema sila, hindi solusyon.
Sa mga ganitong sitwasyon, nakita ng gobyerno ang hirap nitong mapasunod ang mamamayan sa kanyang kagustuhan. Mula nang pumutok ang bulkan hanggang sa ngayon, may ideneklara ang mga awtoridad na mapanganib na lugar. Sa hangad ng mga taong gobyerno na iiwas sa kapahamakan ang mga residente rito, pinagbawalan silang pumasok at bumalik pagkatapos na sila ay lumikas. Iyong mga nakabalik, pero ayaw nang umalis ay pwersahan silang inilabas. Tinanuran ng mga pulis at sundalo ang mga ginamit at puwede pang magamit nilang lagusan.
Ganoon pa man, nagpupumilit pa rin silang bumalik sa kanilang tahanan dahil nais nilang tingnan ang kalagayan nito at sagipin ang kanilang mga alagang hayop. Mahalaga sa kanila ang mga ito na halos kasing halaga ng kanilang buhay. Paano kung mamatay o mawala ang mga ito, paano sila babangon muli eh ang mga ito ay kanilang ikinabubuhay?
Tulad din sila ng mga kapwa natin na nagtatrabaho sa Kuwait. Dahil ipinagbabawal muli ng ating gobyerno ang pagpapadala ng manggagawa sa bansang ito dahil sa nakaraang pang-aabuso at pagpatay sa kapatid nating kasambahay ng kanyang amo, hinikayat nito na umuwi na ang mga naroroon ngayon. Ayaw naman nila dahil gutom lamang ang kanilang aabutin sa ating bansa. Kaligtasan nga nila, at mga naapektuhan ng pumutok na bulkan ang layunin ng gobyerno, pero ang solusyon naman nito ay kanilang kamatayan.
-Ric Valmonte