NANINIWALA si Vice President Leni Robredo na isang kapalaran o destiny ang maging Pangulo ng bansa. Hindi pa raw niya iniisip ang 2022. Kahit gaano man daw ang preparasyon ng isang tao o pulitiko sa pagtarget sa Panguluhan, hindi mo ito matatamo kung talagang hindi para sa iyo.
May katwiran si beautiful Leni. Si Corazon Cojuangco-Aquino (Tita Cory) ay walang kaplano-planong maging pulitiko at mag-ambisyong maluklok sa Malacañang. Siya, sabi nga ng mga political observer noon ay “taga-timpla lang ng kape” ng asawang si Sen. Benigno S. Aquino Jr. (Ninoy).
Sabi nga ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos na nakalaban niya sa panguluhan sa isang snap election noong 1985 “is a mere house wife”, walang kaalam-alam sa pulitika at pamamahala. Subalit talaga yatang ito ang tadhana o kapalaran: Si Ninoy Aquino na matagal na naghanda para tumakbo sa pagka-Pangulo ay hindi naging Pangulo ngunit si Cory na walang kabalak-balak sa pulitika ang napunta sa Palasyo ng Malacañang.
Tungkol sa balak na pagtakbo ni ex-Sen. Bongbong Marcos sa presidency sa 2022, hinamon ni VP Robredo ang anak ng diktador na tanggapin muna niya ang resulta ng eleksiyon noong 2016. Si Robredo ang nagwagi sa pagka-pangalawang Pangulo sa lamang na mahigit sa 200,000.
Hanggang ngayon ay may electoral protest pa si Bongbong. Wala pang desisyon ang Presidential Electoral Tribunal (PET) bagamat sa tatlong pilot provinces na tinukoy ni Marcos na siya ay dinaya at dapat ay nagtamo ng malaking boto, lumamang pa si VP Leni ng mahigit sa 15,000 salungat sa claim ni Bongbong.
oOo
Sa wakas, nakapili na rin si Pres. Rodrigo Roa Duterte ng bagong Hepe ng Philippine National Police (PNP) sa katauhan ni Gen. Archie Francisco Gamboa. Pinalitan niya si ex-PNP chief Gen. Oscar Albayalde na nadawit sa tinatawag na “ninja cops.”
Naging dramatiko ang pagtatalaga ni PRRD kay Gamboa. Ito ay ginawa sa isang seremonya nang dumalaw ang Pangulo sa evacuees ng pagsabog ng Taal Volcano. Ginanap ito sa Polytechnic University of the Philippines gym sa Sto. Tomas, Batangas noong Lunes.
Magiging prayoridad ni Gamboa ang paglaban sa illegal drugs at pagpupurga sa hanay ng mga pulis. Pupuksain niya ang mga drug pusher at user. Sana, General puksain mo rin ang mga drug lord, smuggler, supplier sapagkat kung walang suplay na droga, walang maitutulak ang pusher at walang magagamit ang user.
Kung ang itutumba mo ay mga bigtime drug lord at large-scale trafficker at hindi ang pipitsuging pushers at users na nag-iingat lang ng kung ilang sachet ng shabu, aba baka magtagumpay ang drug war ng ating Pangulo.
Nananalangin at umaasa ang mga Pilipino na hindi na sana magalit ang Bulkang Taal at magpakawala ng tinatawag na “hazardous eruption” na pipinsala sa libu-libong mamamayan ng Batangas, Cavite at kalapit na mga lugar. Amen, amen.
-Bert de Guzman