INIMBITAHAN ni United States President Donald Trump si Pangulong Duterte para bumisita sa US at dumalo ng isang summit kasama ang mga lider ng US at ang sampung miyembrong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Unang inihayag ang imbitasyon para sa nasabing pulong sa nakaraang ASEAN-US meeting sa Bangkok, Thailand, noong Nobyembre, 2019. Muling binanggit ng US ang imbitasyon sa isang liham na may petsang Enero 9, 2020. Nakatakdang magpulong si Trump at ang mga ASEAN leaders sa Marso 14, 2020, sa Las Vegas, Nevada.
Sa kanyang liham para sa mga ASEAN leader, muling binanggit ni Trump na nananatili angUS sa pangako nitong “strategic partnership with ASEAN, and to supporting the organization’s central role in the Indo-Pacific region’s economic, political-security, and socioi-cultural affairs.”
Tatlong taon at walong buwan na ang nakalipas mula ng manalo sa halalan si Pangulong Duterte noong Mayo, 2016. Mula noon limang beses na itong nakabisita sa China, dalawa sa Russia, at isa ilan pang mga bansa, ngunit hindi pa ito bumibisita ng Amerika. Lahat ng mga naging Pangulo ng bansa ay nakabisita sa US matapos ang kanilang pagkahalal.
Nang ilunsad ni Pangulong Duterte ang kanyang anti-drugs drive sa bansa, pinayuhan siya ni noo’y US President Barack Obama na ipatupad ang programa nang may malaking pagrespeto sa karapatang pantao. Tinugon ito ng Pangulo at sinabing: “Instead of helping us, the first to criticize is this State Department, so you can go to hell, Mr. Obama.” Makalipas nito, nang tumanggi ang Amerika na magbenta ng armas sa Manila. Inihayag ng Pangulo, na hihiwalay na ito sa US.
Nakita ni Pangulong Duterte si President Trump bilang mas mainam na US official, ngunit nanatili itong nakadistansya sa gobyerno ng Amerika. Noong Disyembre, nang aprubahan ng US Congress ang US national budget, dalawang senador ang nagsulong para maisama ang probinsyon na nagbabawala sa sinumang opisyal ng Pilipinas na sangkot sa pagpapakulong kay Sen. Leila de lima na pumasok sa Amerika.
Sinagot naman ito ni Pangulong Duterte ng pag-ban sa dalawang senador Ngunit sinabi nitong wala siyang sama ng loob kay President Trump, na siyang lumagda sa budget bill kasama ang probisyon patungkol kay De Lima. Ngunit kahit pa wala ang isyu kay De Lima, sinabi ni presidential spokesman Savador Panelo, na paulit-ulit nang sinasabi ng Pangulo na ayaw nitong pumunta ng Amerika.
Ngayon, isang opisyal na liham na mula kay US President Trump para kay Pangulong Duterte at sa mga lider ng ASEAN, ang nag-iimbita para sa US-ASEAN Summit sa Marso. “The American people and I hope to see you in the United States soon,” pahayag ni President Trump.
Isang mahalagang bagay ito para sa bansa, na may implikasyon hindi lamang sa ating ugnayan sa US, ngunit gayundin sa iba pang ASEAN nations. Kaya naman tiwala tayo sa pananaw ng Pangulo at ng kanyang pinakamalalapit na tagapayo at mga opisyal ng bansa, na maaari niyang hingan ng opinyon.