NANATILI ang last season runner-up Ateneo de Manila sa ika-4 na puwesto matapos gapiin ang University of the Philippines Integrated School, 104-84, kahapon sa pagpapatuloy ng ikalawang round ng UAAP Season 82 Juniors Basketball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Mula sa dikit na laban sa first half na natapos sa iskor na 48-44, lamang ang Blue Eaglets, umagwat sila ng tuluyan sa second half upang makamit ang ikalimang panalo sa loob ng sampung laro.
Nagtala si Josh Lazaro ng 26 puntos kasunod si Joaquin Jaymalin na may 15 puntos upang pamunuan ang nasabing panalo ng Ateneo.
Nagtapos ding may double digit para sa Blue Eaglets sina Francis Lopez na may 13 puntos at magkapatid na sina Miggy at Gabby Salvador na may tig-11 puntos.
Manguna naman para sa Junior Maroons na nanatiling winless matapos ang sampung laban si Ray Torres na may game high 26 puntos.
Sa ikalawang laro, tumatag naman sa kanilang pagkakaluklok sa ikalawang puwesto ang Far Eastern University-Diliman makaraang igupo ang University of the East,70-46.
Ang panalo ang ika-9 ng Baby Tamaraws kontra isang kabiguan upang manatiling nasa likod ng undefeated at defending champion National University (9-0) habang nalaglag naman ang Junior Warriors sa markang 3-7.
-Marivic Awitan