SA kabila ng pagpapatibay ng United States 2020 budget provision na nagbabawal sa mga opisyal na umano’y nasa likod ng “wrongful detention” ni Sen. Leila de Lima na makapasok sa Estados Unidos, kabilang pa rin si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa siyam na Asian leaders na imbitado ni US Pres. Donald Trump sa isang summit na gaganapin sa Las Vegas sa Marso 14.

Sa pahayag ng Malacañang, sinasabing si PRRD ay iniimbitahan na dumalaw sa US para dumalo sa isang summit sa pagitan ng US at mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang imbitasyon ay mula kay US Pres. Trump at sa siyam pang lider ng intergovernmental organization.

Ayon sa Malacañang, ang imbitasyon ay unang ipinaabot sa Pangulo sa panahon ng Asean-US meeting sa Bangkok noong Nobyembre 2019. Ang imbitasyon ay inulit sa 10 Asean leaders sa pamamagitan ng isang liham na may petsang Enero 9, 2020.

Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na wala siyang opisyal na impormasyon kung tatanggapin ni Mano Digong ang imbitasyon ni Trump. Ayon naman kay Communications Sec. Martin Andanar, naghihintay pa sila sa desisyon ng Presidente tungkol dito.

Sa pahayag ng Malacañang, sinabing ang pulong nina Duterte at Trump ay inaasahang magpapatunay sa matagal nang relasyon at alyansa ng Pilipinas at US. Gayunman, paulit-ulit na sinasabi ni PDu30 na hindi siya pupunta sa US dahil sa “critical stance” ng ilang US lawmakers sa kanyang illegal drug war. Anong malay natin, baka biglang magbago ang kanyang isip.

oOo

Napika si Vice Pres. Leni Robredo sa umano’y “fake news” na ipinakalat ni Mocha Uson na nang dumalaw siya sa mga biktima ng Taal Volcano, tanging limang pandesal at isang boteng tubig ang ibinigay sa mga ito. Itinanggi ito ni beautiful Leni at inakusahan ni Mocha na pinasasahod nang malaki mula sa buwis ng taumbayan, pero sa halip na maglingkod sa bayan, mga pekeng balita ang ginagawa.

Ayon sa kampo ni VP Leni, ang pack o supot na ibinigay nila ay naglalaman ng bigas, kape, asukal noodles at iba pa. Taliwas ito sa paninira ni Mocha. Sabi nga ng isang netizen, “Eh siya, ano ang naitulong niya, laway, paninira? Magsayaw ka na lang”.

Sa pagsabog ng Taal Volcano kamakailan, muling ipinakita ng mga Pilipino ang pagkakaisa, pagkamatulungin, pagkamaawain at bayanihan sa gitna ng trahedya at kalamidad. Magaling at mahusay ang lahing Pilipino dangan nga lamang at sinasalaula ang mabubuting katangian ng mga ganid na pulitiko at negosyante na nagsasamantala sa kasawian ng ibang tao.

Sa tulong ng Diyos, umaasa ang sambayanang Pilipino na makararaos din tayo sa trahedyang ito. Hindi ba noon ay sumabog din ang Mt. Pinatubo, maraming buhay ang nawala, lumubog sa lahar at putik ang mga palayan, pananim, bahay at pati na simbahan? Pero heto tayo ngayon, nakatayo at patuloy sa normal na pamumuhay.

-Bert de Guzman