LAGI kong itinataas ang pagnenegosyo (entrepreneurship) bilang susi sa pambansang pag-unlad. Ang kasaysayan sa ekonomiya ng maraming progresibong bansa ay itinayo mula sa balikat ng mga negosyante na nakakaunawa sa pangangailangan ng panahon at, paggamit ng kanilang imahinasyon at kakayahan, na kalaunan ay tutulong sa pagbuo ng nasyon, habang ilan pa sa kanila ang bumago ng daigdig, at kung paano tingnan ng tao ang kanilang mundo.
Kaya naman lagi kong isinusulong ang pagpapaunlad ng kakayahan at diwa sa pagnenegosyo ng ating mga kababayan partikular na ang mga kabataan. Hindi natin makakamit ang tunay na kasaganahan hangga’t mas pinipili ng mga mag-aaral na pangarapin na maging empleyado sa halip na magnegosyo.
Naniniwala rin ako na kaya natin ito—isulong ang entrepreneurial education—sa murang edad pa lamang. Kailangan nating paunlarin sa mga kabataan ang gawain at ugali ng isang matagumpay na negosyante. Hindi ako eksperto sa child development ngunit ang aking karanasan ang nagturo sa akin na ang unang mga karanasan ng isang kabataan ay mahalaga sa pagbuo ng ugali at kakayahan.
Sa murang edad—ang edad na nagsisilbing pundasyon para sa kritikal na ugali at pagpapahalaga na mag-uugat nang walang hadlang --maraming matagumpay na negosyante ngayon ang nagpakita na ng senyales ng karakter na nakatulong sa kanila upang umangat. Kaya naman, napakahalaga ng tungkulin ng mga magulang at guro. Sila ang nakaagapay sa panahon ng paghubog ng isang indibiduwal.
May katotohanan ito sa aking kaso. Tinuruan ako ng aking ina, si Nanay Curing, ng ugali at gawain ng isang negosyante. Siyempre, hindi ito matututunan sa apat na sulok ng classroom, ngunit sa malawak na espasyo ng mga pamilihan kung saan siya nagtitinda ng mga hipon at isda.Wala siyang syllabus, hindi siya gumamit ng anumang magagandang salita o komplikadong konsepto ngunit tulad ng lahat ng ina sa mundo, ginamit niya ang karanasan bilang instrumento sa pagtuturo.
Halimbawa, natutunan ko sa murang edad pa lamang kung paano magtakda ng isang layunin at abutin ito. Nakuha ko ang kumpiyansa upang gawing realidad ang mga ideya. Natutunan ko rin gamitin ang mga pagkakamali bilang oportunidad ng pagkatuto. Natutunan ko ang lahat ng ito habang pinanunuod at tinutulungan ang aking ina sa palengke. Nakikita ko siyang bumibili ng hipon at isda sa bagsakan maaga pa, at saka magtatayo ng kanyang tindahan sa tamang oras para sa mga maagang kustomer.
Nahaharap kami sa maraming problema at nakikita ko ang aking ina na patuloy na nagsisikap at nagpapakita ng tiyaga sa harap ng maraming pagsubok. Bawat tao ay may iba’t ibang lebel ng talento at talino, ngunit ang sipag at tiyaga ang nananatiling sangkap sa tagumpay. Sa murang edad, natuklasan kong ang pagtanggi ay hindi konektado sa pagkabigo.
Ang “problem-solving attitude” na ito ay mahalaga sa isang negosyante. Hindi namin tinitingnan ang mundo para alamin kung paano kikita ng salapi mula sa mga tao, sa halip sinisilayan namin ang mundo, inuunawa ang pangangailangan at problema upang makapagbigay ng solusyon. Pumasok ako sa real estate dahil nakita ko ang malaking puwang na kailangang tugunan para sa pangangailangan ng mga tao sa aspekto ng pagbili ng bahay at lupa. Nag-alok ako ng inobatibong paraan at ang iba, wika nga nila’y, bahagi na ng kasaysayan.
Ang ganitong pag-iisip, para sa ilan ay hindi matututunan; ipinanganak ang tao na taglay ito. Habang naniniwala ang iba na ang abilidad na ito ay natututunan. Kung natututunan ito, naniniwala akong dapat itong ituro ng mga magulang at guro sa murang edad pa lamang ng mga bata. Ang pundasyon ng diwa ng isang negosyante—paglutas sa problema, sipag, tiyaga, at iba pa—ay dapat na itatag sa tahanan at paaralan; hindi sa pamamagitan ng mga lektura at palihan ngunit sa pamamagitan ng karanasan.
Binibigyang-diin ng mga magulang ang pangangailangan para sa magandang ugali. Naniniwala akong dapat na maging bahagi ng mga ugaling ito ang ugali na makatutulong sa ating bansa upang lumikha ng lupon ng mga negosyante na inihanda para sa tungkulin ng pagbuo sa nasyon, “one enterprise at a time.”
-Manny Villar