ILANG panukalang batas ang inihain sa Senado upang makatulong sa mga barangay chairman, kagawad at iba pang opisyal ng sangay na ito ng pamahalaan.
Isa ang panukalang-batas na inakda ni Sen. Manuel Lapid ang nagkakaloob ng social security at non-monetary benefits para sa lahat ng mga opisyal ng barangay kasama ang mga manggagawa at mga volunteers, kabilang ang edukasyon, pagsasanay at skills development.
Hangad naman ng inihaing panukal ni Sen. Sonny Angara na gawing regular na empleyado ng estado ang mga barangay official na makatatanggap ng fixed salary at benepisyo. Nananawagan din ang panukala para magkaroon ang bawat barangay ng pangunahing serbisyo tulad ng regular na suplay ng tubig na maiinom, pampublikong transportasyon, paaralan, health center, at barangay hall.
Isang panukala naman na inihain ni Sen. Francis Tolentino ang naghahangad na mabigyan ng insentibo at tax exemption ang mga opisyal ng barangay, mga miyembro ng Lupong Tagapamayapa, at mga empleyado ng barangay. Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng panukala ang pagkakaloob ng legal na representasyon kung may sitwasyon na masangkot ang isang opisyal ng barangay sa isang legal o administratibong kaso na konektado sa kanyang pagtupad sa tungkulin.
Isa sa mga makikinabang sa panukalang-batas ni Tolentino, sakaling mapagtibay ito, ay si Wilfredo Mariano, barangay chairman ng Barangay Tangos South, Navotas City. Nasa kanyang opisina ang kapitan noong araw ng halalan, Mayo 13, 2016, nang isang grupo ng mga kalalakihan ang nagdala ng isang empleyado ng city hall sa kanyang barangay dahil umano sa akusasyon ng vote-buying. Gayunman, kalaunan, naghain ang empleyado ng counter-charges para sa kidnapping at serious illegal detention, at kabilang dito ang kapitan na umano’y kasabwat ng grupo na nagdala sa empleyado sa barangay hall noong araw ng halalan.
Sumulat na si Chairman Mariano kay Pangulong Duterte, Secretary Eduardo Anon g Department of Interior and Local Government, at kay Secretary Menardo Guevarra ng Department of Justice. Kung umabot ang kaso sa korte, aniya, wala siyang kakayahan para sa legal na laban.
Karamihan sa mga opisyal ng barangay sa bansa, ay mga ordinaryong tao na kumikita lamang ng sapat. Malaking tulong ang mga panukalang nakahain ngayon sa Senado na magkakaloob ng iba’t ibang tulong sa mga opisyal ng barangay, kabilang ang tiyak na sahod at iba pang pinansyal na benepisyo, ngunit ang panukala ng pagbibigay ng legal na representasyon sa kasong may koneksyon sa kanilang tungkulin ay higit na ikatutuwa ni Chairman Mariano at ng iba pa na may katulad na sitwasyon kinakaharap dahil sa pagtupad ng kanilang tungkulin.