MAAGANG umarangkada ang Bacoor City at nagpakatatag sa krusyal na sandali para magapi ang GenSan-Burlington, 87-75, sa harap ng nagbubunyinbg kababayan nitong Lunes sa 2019-20 Chooks-to-Go MPBL Lakan Season sa Strike Gym sa Bacoor, Cavite.
Nagsalansan si Michael Mabulac ng 17 puntos at 10 rebound para sa ikapitong sunod na panalo ng Strikers at mapatatag ang marka sa 22-5 sa likod ng nangungunang Davao Occidental (21-4) sa South Division.
Umabante ang Bacoor sa pinakamalaking 13 puntos na bentahe sa first half, bago bumalikwas ang GenSan sa third period.
Naibaba ng GenSan ang bentahe sa 60-61 mula sa jumper ni Cristopher Masaglang, subalit kaagad na nakabawi ang Bacoor sa naikargang 14-2 run at muling palubuhin ang abante sa 75-62 may 5:07 ang nalalabi.
“We went to a zone defense when GenSan caught up, we slowed down Pamboy (Ramundo) and Mikey (Williams), and we made the plays that we needed to make to get the win,” pahayag ni Bacoor coach Chris Gavina.
Humirit din si Michael Cañete sa Strikers sa naiskor na 11 puntos at 10 boards, habang umiskor si RJ Ramirez ng 11 puntos at tatlong steals. Kinapos ng tatlong rebound si Strikers star Gab Banal para makumpleto ang triple-double sa naiskor na 10 puntos, 11 assists, at pitong rebound.
Nag-ambag sina John Orbeta na may 4 markers, at kumana si Robby Celiz ng 11 puntos at siyam na rebound.
Nanatili ang GenSan sa No.4 sa Southern division (16-9).
Patuloy ang hataw ng Cebu-Casino Ethyl Alcohol para sa minimithing playoff spot nang higitan ang naghahabol ding Nueva Ecija, 77-73.
Magkasunod na umiskor sina Tonino Gonzaga at Justin Arana para maidikit ang Nueva Ecija sa 73-75 may 33.4 segundo ang nalalabi. Nakakuha ng foul si Jai Reyes mula kay Harold Cortes may 11.2 segundo sa laro at naisalpak ang dalawang free throw para sa Cebuano.
Tangan ng Cebu Sharks ang 12-13 karta, isang laro ang pagitan sa Bicol para sa No.8 at huling playoff spot sa Southern division.
“Ipinasok ko yung defensive players ko tapos we switched everything kaya di sila nakaattempt,” sambit ni Cebu coach Noynoy Falcasantos.
Nanguna si Rhaffy Octobre sa Shark sa nakamadang 22 puntos.
Ginapi naman ni Manila-Frontrow ang Mindoro-JAC Liner, 133-101.
Kumubra si Carlo Lastimosa ng 27 puntos, walong rebound at limang assist para mapatatag ang Manila sa No.2 spot sa Northern Division (23-5).
“Maganda ang focus ng players namin offensively at defensively from start to finish, they just attacked Mindoro’s defense all game,” pahayag ni Stars head coach Tino Pinat.
Nag-ambag sina Jonjon Gabriel ng 16 puntos at walong rebound, habang humugot si Gabby Espinas ng 15 puntos.
Iskor:
(Unang Laro)
Bacoor City (87) - Mabulac 17, Cañete 11, Ramirez 11, Banal 10, Montuano 9, Pangilinan 8, Aquino 7, Sumalinog 6, Melencio 5, Demusis 3, Acuña 0, Ochea 0.
GenSan-Burlington (75) - Williams 17, Orbeta 14, Celiz 11, Raymundo 10, Masaglang 10, Goloran 6, Mahaling 4, Landicho 3, Basco 0, Baltazar 0, Grospe 0, Cinco 0.
Quarterscores: 16-18, 38-25, 57-54, 87-75.
(Ikalawang Laro)
CEBU-CASINO ETHYL ALCOHOL (77) - Octobre 22, Saycon 11, Ubalde 11, Viloria 10, Lao 9, Cortes 8, Nuñez 4, McAloney 2, Galvez 0, Yu 0.
NUEVA ECIJA (73) - Reyes 14, Monte 11, Gonzaga 10, Martinez 10, Sabellina 7, Arana 6, Sarao 5, De Leon 4, Aquino 4, Dela Cruz 2, Garcia 0.
Quarterscores: 23-11, 46-38, 60-55, 77-73.
(Ikatlong Laro)
Manila-Frontrow (133) - Lastimosa 27, Gabriel 16, Espinas 15, Lee 12, Go 12, Montilla 10, Abrigo 8, Bitoon 8, Matias 8, Dionisio 6, Tallo 5, Laude 2, Lopez 2, Manalo 2.
Mindoro-JAC Liner (101) - Vaygan 28, Baracael 18, Bangeles 15, Mandreza 12, Abanes 10, Matias 6, Osicos 5, Astrero 3, Acedillo 2, Axalan 2.
Quarterscores: 26-19, 65-43, 94-78, 133-101.