TALIWAS sa inaasahan, hindi si Jamie Malonzo ang pinili ng AMA Online Education bilang first overall pick sa katatapos na 2020 PBA D-League Draft.
Sa halip, kinuha nila ang di kilalang pointguard na si Reed Baclig habang naging second pick si Malonzo at napunta sa Marinerong Pilipino.
Ayon kay AMA assistant coach Edwin Ancheta na kumatawan sa kanilang head coach na si Mark Herrera, gusto ng Titans na gawing prayoridad ang kanilang mga homegrown talent kaya ang 17-anyos na si Baclig ang kanilang pinili at hindi ang 6-foot-6 wingman na si Malonzo.
“Reed Baclig is a homegrown talent, from elementary hanggang ngayon sa amin naglalaro,” wika ni Ancheta.”Yung grassroots namin gusto namin i-implement. We’re developing players, not pick by pick.”
Maaaring hindi kumporme sa iba ang ginawa ng AMA, ngunit pinaninindigan nila ito.
Kasunod ni Malonzo, naging third overall pick naman si Gilas cadet Jaydee Tungcab at napunta sa CEU.
Base sa resulta ng draft, itinuturing na panalo ang Marinero matapos piliin ni coach Yong Garcia sina Joshua Torralba at Jollo Go ng La Salle; James Spencer ng UP; Darrell Menina ng University of Cebu; at Miguel Gastador ng University of San Jose-Recoletos.
Napunta naman sa Karate Kid-CEU kasama ni Tungcab sina John Apacible ng UE, Jboy Gob at David Murrell ng UP at Jerie Pingoy ng Adamson matapos kunin ni bagong Scorpions coach Jeff Napa.
May kabuuang 41 draftees ang nakuha mula sa 137-pool sa draft na umabot ng 20th round.
-Marivic Awitan