NAALALA namin ang sikat na pelikulang Tanging Ina ni Ai Ai de las Alas sa pelikulang ‘D Ninang na palabas na ngayong araw mula sa Regal Films dahil may pagkakahawig at tungkol ito sa pamilya. Ang pagkakaiba lang sa TA ay marami siyang anak dito dahil marami siyang naging asawa.

Ai Ai at Kisses sa 'D Ninang'

Sabi nga ni Direk GB Sampedro, “nu’ng nagmi-meeting kami, nagkataon na may ‘ina’ pala sa ‘D Ninang. Nu’ng dine-develop namin ‘yung istorya inisip namin anong magandang title na related sa magnanakaw at the same time, babaeing Robinhood siya.

Ako kasi paborito ko ‘yung The Godfather, kaya sabi ko, gawa tayo ng tagalog, the Ninang, doon nagsimula. At nu’ng nagpo-promo kami, doon namin naisip na ‘yung title na ‘D Ninang, may ina tulad ng Tanging Ina.”

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Sa ‘D Ninang ay iisa lang ang anak niya, si Kisses Delavin na nahiwalay sa kanya ng matagal dahil inilayo ng amang pulis at saka lang sila nagkasamang mag-ina ng naulila na.

Dahil sa pagmamahal at pagka-miss sa anak ay naibuhos lahat ni Ninang kay Angel Guardian na naging katuwang niya sa kanilang negosyong pitik (pagnanakaw) kasama sina Kiray Celis, Lou Veloso at iba pa.

Masugid na manliligaw ni Kisses si McCoy de Leon, corrupt na pulis naman si Joey Marquez na minamanyak si 2017 Binibining Pilipinas International Mariel de Leon.

Basically ang kuwento ng ‘D Ninang ay reyna ng magnanakaw si Ai Ai kaya tinawag na ninang ng nasasakupang lugar sa Cubao pero matulungin at lahat ng nangangailangan ay siya ang takbuhan kaya kahit na namimitik siya, hindi naman niya sinosolo. Aliw kami sa batuhan at hugot lines ng bawa’t karakter, magkaka-kunek at nakakatawa.

Habang pinanonood namin ang pelikula sa ginanap na premiere night nitong Lunes sa SM Megamall Cinema 7 ay iisa ang tanungan naming lahat, ‘anong nangyari kay Mariel de Leon na kamuntikan naming hindi makilala dahil, ang taba niya as in! Matagal na bang sinyut ang ‘D Ninang?

Nagalingan naman ang lahat sa husay umarte ni Angel Guardian, sana sumikat siya at mabigyan siya ng magagandang projects ng GMA 7.

Suggestion namin sana mag-workshop si Kisses sa pag-arte para naman may bago kaming makita sa kanya na hindi lang pa-cute at iisa ang facial expressions niya sa rami ng eksena niya. Kaya naikumpara tuloy siya kay Angel.

Si McCoy, alam naming magaling siyang aktor dahil nakita na namin siya sa iba’t ibang karakter kaya depende na lang sa role na ibibigay sa kanya.

Si Kiray, komedyana naman talaga siya at okay naman ang mga linya niya wala namang sablay.

Isa pang naaliw kami ay doon sa ninakawan ni Ninang na ilang beses silang nagkita at nagkakasalubong na sa sobrang takot ng bagets ay kusa na nitong ibinibigay kung anong mayroon siya.

At siyempre si Ai Ai bilang si Ninang, sa wakas muli namin siyang napanood sa ganitong klaseng karakter na hinahanap namin at sigurado kami pati na rin ng supporters niya lalo na noong kainitan ng Tanging Ina, sobrang na-miss ng lahat ang pelikula.

Wala pa ring kupas sa comedy si Ms A, depende talaga siguro sa script at direktor, kasi ‘yung mga nagawa niyang pelikula noong 2019 personally ay hindi namin nagustuhan.

Palabas na ang ‘D Ninang ngayong araw buena manong handog ng Regal Films mula sa direksyon ni GB Sampedro.

-REGGEE BONOAN