“BAKIT natin hinahayaan ang tagapaghatid ng fake news ay pinagtatrabaho sa gobyerno? Pera ng taumbayan ang ginagamit para bayaran siya. Nilalason lamang niya ng maling balita ang isip ng mamamayan,” wika ni Vice President Leni Robredo sa ginawa at inasal ni Mocha Uson.
Si Uson ay kasalukuyang deputy executive director ng Overseas Workers Welfare Administrations matapos siyang mag-resign bilang opisyal ng Presidential communication office dahil sa malaswang anunsiyo na inilabas niya hinggil sa pederalismo. Sa kanyang blog sa Facebook, sinabi niya na mas maraming pera ang ginagastos ni VP Leni para sa kanyang media coverage samantalang namahagi lamang siya sa mga evacuess, na biktima ng pagsabog ng bulkan Taal, ng limang pirasong pandesal at isang bote ng tubig. Inakusahan niya rin si VP Leni na ginagastos lamang nito ang salapi ng gobyerno para sa kanyang mga bodyguard, samantalang ang kanyang opisina ay nagbigay lamang ng P30 halaga ng relief goods. Ayon kay VP Robredo, binabalewala ni Uson at mga kagaya niyang trolls ang kontribusyon ng mga sibilyan na ibinigay nila sa kanyang opisina na nagsasagawa ng relief operation.
Sa kabilang dako, ipinagtanggol naman ni Sen. Christopher “Bong” Go sa mga netizen na bumabatikos sa Pangulo. Marami kasing larawan ang kumalat sa social media na nagpapakita na ang Pangulo ay nakasakay sa tatlong gulong na malaking motorsiklo na umano ay umiikot sa loob ng Malakanyang. Nasa likod niya si Go nakasakay din sa hiwalay na motorsiklo na umaalalay sa kanya. Naging masama ito sa panlasa ng mga netizen dahil ganito ang ginagawa ng Pangulo gayong libu-libong evacuees mula sa pagsabog ng bulkang Taal ang nangangailangan ng tulong ng gobyerno. Ganito idenepensa ni Sen. Go ang Pangulo: “Ang Pangulo ay nagtatrabaho ng 24 oras. Hindi ba pwedeng sumakay siya sa motorsiklo para alisin ang tensyon mula sa pagtatrabaho? Nasa public service ang Pangulo sa loob ng 42 taon at siya ay 74 na taong gulang na.”
Mula’t sapul ito ang pamamaraan ni Pangulo Digong sa paggogobyerno. May mga taong nagtatanggol sa kanya at may naninira naman sa kanyang kalaban. Epektibo nilang nagagamit ang social media para mapabango ang Pangulo at malason ang isipan ng taumbayan laban sa kanyang mga kalaban. Ayon kay VP Leni, pondo ng gobyerno ang ginagamit ni Uson sa pagpapakalat ng mga fake news upang siraan lamang siya. Puwedeng sabihin naman kay Go na siya ay inihalal na ng taumbayan bilang Senador at kanilang tagapagsalita at tagapagtanggol ng kanilang interes sa Senado. Sa ginagawa niya, pinagisa na niya ang Malakanyang at Kongreso at wala na sa kanya ang halaga ng batayang prinsipyong separation of powers. Mahirap nang makipagtalo hinggil sa ethics at morality dahil banyaga ang mga ito sa administrasyon. Kung ang Diyos nga ay hinahamak kaya nag-aalburoto nang lubusan ang kalikasan.
-Ric Valmonte