NAKAMIT ng College of St. Benilde ang liderato sa women’s division ng ginaganap na NCAA Season 95 Volleyball Tournament matapos walisin ang Colegio de San Juan de Letran, 25-20, 25-18, 25-15,kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Ang panalo ang ikatlong sunod para sa Lady Blazers na nagluklok sa kanila sa solong pamumuno.

“Sinasabi lang naman ni coach Jerry [Yee], sa mga players na per game ang focus namin. Dapat give lang ng one-hundred-percent namin,” ani Lady Blazers assistant coach Jay Chua.

“Sa team naman namin may Team One at Team Two kami na ginagamit. Ang gusto lang naman namin lahat sila mag-contribute,” dagdag nito.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Nanguna para sa Lady Blazers si Chelsea Umali na nagposte ng 7 puntos kasunod sina Michelle Gamit, Jade Gentapa at Klarisa Abriam na nagsipagtapos na may tig-6 na puntos.

Nakabalikat nila si St. Benilde playmaker Jewel Lai na nagtala naman ng 15 excellent sets.

Nanguna naman para sa Lady Knights na bumagsak sa una nilang pagkabigo si

Chamberlaine Cunada na may 15 puntos.

Bunga ng kabiguan, nalugmok ang Letran sa patas na markang 1-1.

Kinumpleto ng Blazers ang twin kill nang gapiin nila ang Knights sa men’s division, 25-21, 25-16, 25-22.

Pinamunuan ni Vince Abrot ang nasabing panalo sa ipinoste nitong 15 puntos mula sa 12 attacks, 2 aces at isang block.

Bunga ng panalo,umangat ang CSB sa markang 2-1, panalo-talo habang sumadsad naman ang Letran sa ikalawang dikit na pagkabigo (0-2).

-Marivic Awitan