MATAPOS ibigay ang tungkulin para sa paglilinis ng Manila Bay, sinabi ni Secretary Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na aabutin ng hanggang 10 taon bago ito magawa. Matagumpay niyang nalinis ang isla ng Boracay makalipas ng anim na buwan, ngunit nakikita niyang higit na malala ng daang beses ang problema ng Manila Bay. Isang daan beses na mas matindi ang polusyon nito.
Nitong Huwebes, inilantad mismo ni Pangulong Duterte ang ugat ng problemang ito. Sa mga nakalipas na taon, aniya, direktang napupunta sa Manila Bay ang mga duming tubig ng Metro Manila at mga kalapit nitong bayan. Noong unang panahon, kinakaya pang tanggapin ng kalikasan ang polusyon na gawa ng tao, ngunit sa nakalipas na siglo, lumago ang Metro Manila at ang mga kalapit na bayan at nadoble o triple rin ang kanilang dumi na nalilikha, dahilan kaya’t sa kasalukuyan, hindi na ligtas na paglanguyan o pagdausan ng anumang aktibidad ang tubig ng Manila Bay.
Noong 2008, bilang pagtugon sa petisyon, ipinag-utos ng Korte Suprema ang rehabilitasyon ng Manila Bay, kung saan sinabihan ang 13 ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng DENR, kung ano ang dapat nilang gawin sa ilalim ng batas. Ang Metro Manila Development Authority (MMDA). Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Local Water Utilities Administration (LWUA), Department of Health (DoH) lahat ay may responsibilidad din dito. Ipinag-utos naman sa Department of Interior and Local Government (DILG) na pakilusin ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na nasa paligid ng look at gawin ang kanilang bahagi. Habang ang Philippine National Police at Coast Guard ang nakatalaga sa enforcement.
Gayunman, hindi naipatupad kailanman ang kautusan ng Korte Suprema noong 2008. Makalipas ang walong taon, sa pagkahalal ni Pangulong Duterte, una niyang inaksyunan ang Boracay, saka ibinaling ang kanyang atensiyon sa Manila Bay. Nakita ni Secretary Cimatu ang lala ng problema at sinabing aabutin ito ng sampung taon.
Binigyang-diin naman ni dating Manila Mayor at dating DENR secretary, na ngayo’y kinatawan ng Buhay party-list, Rep. Lito Atienza, na bahagi ng kontrata ng dalawang water concessionaires ng MWSS ang pagtatayo ng sewage plant, at sa mga nakalipas na dekada naniningil ang dalawang kumpanya ng environmental fees sa publiko. Sa kabila nito, hindi tumutugon ang kanilang aksiyon sa malaking pangangailangan.
Ngayon, inihayag na mismo ng Pangulo ang rason kung bakit umabot sa kriktikal na lebel ang problema ng polusyon sa look. “All we can do is reduce the contamination,” aniya. “Why? Because there is no water treatment.” Sinisi niya ang “onerous” na kontrata ng dalawang water concessionaires na kailangan, aniyang irebisa.
May iba pang isyu sa kontrata at maaaring mangailangan ito ng panahon para maresolba. Nariyan din ang iginigiit na pinsala na napagwagian sa court of arbitration sa Singapore, bagamat sinabi na ng dalawang concessionaires na hindi na nila igigiit ang naging desisyon. May pangangailangan din sa pagbuo ng bagong pagkukunan ng tubig ng Metro Manila. Ngunit umaasa tayong unang mabibigyan ng pansin ang kahihiyang malaking problema ng polusyon sa Manila Bay.