HINDI lang mga residente ng mga bayan ng Batangas at kalapit na lugar ang pininsala sa pagsabog ng Taal Volcano kundi maging mga hayop at pananim. Kahabag-habag ang kalagayan ng mga ibon na natabunan ng ashfall o abo, hindi makalipad. Mga aso at pusa na nabaon din sa abo. Mga kabayo at baka na namumuti ang buong katawan sa abo. Mga kambing na walang makaing damo.
Kung totoo ang mga balita (at hindi fake news), sinabi ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na kakainin niya ang ashfall na ibinubuga ng Bulkang Taal pagpunta niya roon. Dinalaw nga ni Manong Digong ang Taal at mga kalapit na bayan sa Batangas na apektado ng kalamidad. Napabalita pang iihan niya (urinate) ang bulkan para tumigil. Fake news kaya ito, joke o hyperbole Spox Panelo?
Nang malaman ito ng kaibigang palabiro-sarkastiko-pilosopo, ito ang kanyang komento: “Ang dapat ihIan ni Pangulo ay iyong mga kongresista na nagpapaimbestiga sa mga tauhan at opisyal ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na sa kabila ng kanilang magdamagang pagsubaybay sa bulkan at pagtatrabaho, pagtulong sa mga residente ng Taal, Laurel, Agoncillo, Talisay, San Nicolas, atbp, sila pa ang ipaiimbestiga. Ano ba kayo mga Honorable (Dis-) Congressmen, ngawa lang kayo nang ngawa, wala naman kayong tulong?
Sabad ni Senior jogger: “Kaya bumibilib ang mga tao sa Pangulo ay dahil sa makukulay na salita na lubhang kakaiba. Isipin mo, kakainin ang ashfall at iihan ang bulkan para huminto. Hindi na kailangan si Pastor Quiboloy para sumigaw ng STOP sa Bulkang Taal, tulad ng ginawa niya noon sa paghiyaw ng STOP sa lindol sa Davao.”
oOo
Sa larangan ng journalism, dalawang kilalang peryodista ang namaalam sa mundo kamakailan. Ang una ay si Cesar Apolinario ng GMA-7. Ang pangalawa ay si Twink Macaraeg, isang broadcaster at columnist. Si Cesar ay isa ring director ng pelikula. Nanalo pa ang idinirehe niyang movie noon. Siya ay katambal ni GMA-7 Susan Enriquez sa TV program na IJuander.
Si Macaraeg ay bunsong anak ni dating Executive Sec. Catalino Macaraeg na naglingkod noong panahon ni Tita Cory. Matagal niyang nilabanan ang sakit na cancer at nagpatuloy sa pagbo-broadcast at pagsusulat. Nakikiramay ako sa pagyao ng dalawang journalist.
oOo
Noong Martes, nagbabala si Science Undersecretary at Phivolcs director Renato Solidum sa posibilidad ng “dangerous explosive eruption” ng Taal Volcano kasunod ng mahigit sa 200 lindol na yumanig sa Batangas sapul noong Lunes nang magbuga ito ng lava. Ayon kay Solidum, patuloy sa pagbubuga ng lava at abo ang 311-meter high na volcano, kasabay ng malalakas na pagyanig sa nakalipas na 24 oras.
Pinagsabihan ni Solidum ang mga residente na malapit sa bulkan na maging mapagmatyag at handa sapagkat ang panganib na dulot nito ay hindi pa tapos. Maraming fissures o bitak sa mga lansangan, bahay at gusali ang nakita sa mga paligid, maaaring palatandaan na baka sumabog pa.
Mahabaging Diyos, maaawa po kayo sa mga Pilipino. Maawa po kayo sa Pilipinas na isang katolikong bansa na naniniwala sa iyong Anak na si Kristo. Iligtas mo po kami sa panganib.
-Bert de Guzman