DALAWANG linggo mula ngayon, sisimulan na ng Democratic Party ng United States ang state-by-state na pagpili ng delegado na silang maghahalal ng presidential candidate ng partido, na haharap sa reelectionist ng Republican, si President Donald Trump.
Iowa ang una sa 50 estado ng Amerika na pipili sa Pebrero 3, na susundan ng New Hampshire sa Pebrero 11, Nevada sa Pebrero 22, at South Carolina sa Pebrero 29. Susundan ito ng Superstate sa Martes, Marso 16, para sa pagpili ng 16 na estado.
Pagsapit ng Hunyo, dapat ay nakaboto na ang mga Democrats sa lahat ng 50 estado, kasama ng District of Columbia (Washington, DC), limang teritoryo ng US, at mga Democrats Abroad. Kasunod nito, magpupulong ang 3,989 delegado sa Democratic Party National Convention sa Milwaukee, Wisconsin, sa Hulyo. Sasamahan din sila ng 771 “superdelegates” na itinalaga mula sa mga national party leaders na ang boto ay magkakaroon lamang ng halaga kung mabibigo ang mga delegado na maghalal ng magwawagi sa unang botohan.
Labin-dalawang nagnanais na maging pangulo ang natitira ngayon, matapos umatras ang 17 sa unang kampanya. Sa 12, lima ang itinuturing na lider—sina Joe Biden, Bernie Sanders, Elizabeth Warren, Pete Buttigieg, at Michael Bloomberg. Ang naging hakbang ni Trump na pabagsakin si Biden—nang humiling ito sa pangulo ng Ukraine na imbestigahan ito sa kaso ng graft—ang nagbigay-daan para sa pagsasampa ng impeachment, na kinahaharap ngayon ni Trump sa US Congress.
Bumoto ang House of Representatives na kontrolado ng Democratic-Party pabor sa pag-impeach kay Trump, ngunit inaasahang mapapawalang-sala ito sa Senate na kontrolado ng Republican Party ng Pangulo. Lalo’t ang impeachment—isang institusyon na mayroon din tayo sa Pilipinas—ay hindi naman isang judicial process kung saan mahalaga ang ebidensiya. Isa itong politikal na proseso kung saan madalas na kumakampi ang partido sa kanilang akusadong presidente, anuman ang ebidensiya.
Malawakang binabatikos si President Trump ng ibang mga bansa at mga lider dahil sa desisyon nitong pagbawalan ang mga immigrants mula sa mga Muslim na bansa, na humahantong sa paghihiwalay ng mga bata sa kanilang mga magulang upang matakot at umatras ang mga pamilya mula South Amerika na maghangad na pumasok sa US, ang kanyang pagtanggi sa resulta ng imbestigasyon ng US sa pakikialam ng Russia sa huling US election, at ang utos nito na pagpaslang sa Iranian general nang walang konsultasyon mula sa Kongreso.
Para kay dating Vice President Biden, isa sa mga nangungunang presidential aspirant ng Democratic Party: “The American character is on the ballot. Not what Donald Trump isa spewing out—the hate, the xenophobia, the racism. That’s not what we are as a nation.”
Walang mapapala ang impeachment sa Kongreso. Ang mahalaga ay ang magaganap na national election sa Nobyembre. Naniniwala si President Trump at ang kanyang Republicans na ang polisiya nitong “America First” ang magpapapanalo sa kanya. Umaasa naman ang Democrats na mahinto ito at sisimulan nila ang mahabang politikal na proseso, sa pagpili ng estado ng Iowa ng mga delegado nito para sa party convention sa Lunes, dalawang linggo mula ngayon.