HINDI kailangan ni Luisito Espinosa ang maglingkod sa mga dayuhan para buhayin ang pamilya.
Sa pinakahihintay na desisyon sa ipinaglabang karapatan, nakamit ng dating two-division champion ang matagal nang katarungan nang pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals na bayaran ang US$130,000 (P6.5 milyon) na hindi nabayarang premyo ng kampeon sa kanyang laban noong 1997 sa South Cotabato.
Sa desisyon ng SC nitong Nobyembre 12, 2019,ngunit pormal lamang na naipalabas nitong Biyernes, ipinag-utos ng Korte Suprema sa mga kaanak at tagapagmana ng namayapang promoter na si Rodolfo ‘Rod’ Nazario na bayaran si Espinosa ng kakulangang mula sa kontratang napagkasunduan para labanan si Carlos Rios ng Argentina noong 1997.
Sa desisyon ng SC, ibinasura nito ang petisyon ng pamilya ni Nazario na ipawalambisa ang desisyon ng Court of Appeals noong 2015 na pumabor kay Espinosa.
“This case has been pending for many years and the court would like to put the whole matter to rest. The scheduled fight pushed through and [Espinosa] has not been given his prize money too long to be ignored,” nakasaad sa resolution.
Iniutos din ng Korte Suprema ang paglalaan ng anim na porsiyentong tubo kada taon magmula noong Mayo 1998 kung kailan nagsampa ng kaso si Espinosa sa Manila Regional Trial Court (RTC) laban kina Nazario, dating South Cotabato Governor Hilario de Pedro III at isa pang boxing promoter na si Joselito Mondejar.
Sa naturang kaso, napawalang-sala ang namayapa na ring sina De Pedro at Mondejar.
Sa pinakamalaking laban sa kanyang career, sumabak si Espinosa na noo’y pinangangasiwaan ni Japanese manager Joe Kozumi, sa South Cotabato para depensahan ang World Boxing Council featherweight title kontra Rios.
Batay sa dokumento ng SC, kabuuang US$150,000 ang dapat makuha ni Espinosa, hiwalay ang US$10,000 bilang gastos sa pagsasanay. Ngunit, tanging US$29,651 lamang ang nakuha ng kampeon sa laban, habang buong natanggap ni Rios ang premyong US$50,000.
Ikinatuwa ni Espinosa ang tagumpay sa kanyang laban.
“Para sa akin ito na ang pinakamalaking laban sa buhay ko. Maraming salamat sa Korte Suprema at s amga taong tumulong sa akin. Napakahabang panahon nito, pero malaking tulong ito sa akin,” pahayag ni Espinosa.
Nasa bansa ngayon si tinaguriang Lindol para magbakasyon.
Sa pangangasiwan ni Games And Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, nakatanggap din si Espinosa ng allowances mula sa Thai promoter na nagbibigay ng P3,000 allowances kada buwan, gayundin inaayois din ni Mitra kung makakuha ng tulong sa WBC tulad nang ibinigay kay dating champion Eriberto Salavarria.
“Mahigity dalawang taon yung allowances na hindi nakuha ni Louie (Espinosa),” sambit ni Mitra.
Natalo ang kaso ni Espinosa sa Manila RTC kung kaya ay iniakyat nito ang kaso sa Court of Appeals noong 2011 kung saan ibinasura nito ang naging desisyon ng mababang korte noong 2015.
Nagapela sa SC ang pamilya ni Nazario, ngunit nanaig ang hustisya kay Espinosa.
-EDWIN ROLLON