PINUNA ng mga netizens si Pangulong Duterte dahil sa lumabas niyang maraming larawan sa social media na nagpapakita na nakasakay sa tatlong gulong na malaking motorsiklong umiikot sa loob ng Malacanang nitong Miyerkules. Nakasunod at umaalalay sa kanya na nakasakay din sa motorsiklo ay ang sidekick niyang si Sen. Christopher “Bong” Go. Bilang reaksyon niya sa batikos ng mga netizens sa Pangulo, wika niya: “Nagtatrabaho ang Pangulo sa loob ng 24 na oras. Hindi ba maaaring mag-motor siya kahit sa maigsing panahon para maalis ang kanyang tensyon mula sa pagtatrabaho? Nasa serbisyo publiko sa loob ng 42 taon at siya ngayon ay 74 na taon na. Sana tumulong na lang kayo. Ang inyong puna ay hindi makatutulong o makapagpapakain ng mga tao. Pag-aaksaya lang iyan.”
Hindi maiiwasang batikusin ng mga netizen ang Pangulo kasi nasa gitna ng kaguluhan ang mga mamamayan. Samantalang napakaraming mamamayan na parang mga langgam na naghahanap ng mapagkukublihan para sa kanilang kaligtasan sanhi ng pagsabog ng Bulkang Taal, marami rin ang abalang kumikilos para tulungan sila. Sa gitna ng kagipitan, umaasa lamang sila sa kanilang sariling lakas, pagkakaisa at pananalig na malulusutan nila ang dumating na mabigat na problema.
Samantalang pinakikiusapan ni Sen. Go ang mga netizen na bumatikos sa Pangulo na magfocus na lang sa pagtulong ng mga biktima ng pagsabog ng bulkan, iba naman ang ginawa ng kanilang kaalyadong si Mocha Uson, na ngayon ay executive director ng Overseas Workers Welfare Administration. Sa kanyang blog sa Facebook, siniraan, ininsulto at binatikos si Vice-President Leni Robredo, na kagaya ng marami ay abalang tumutulong sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan. “Higit na maraming ginagastos na pera para sa media coverage, pero namahagi lang ng 5 pirasong pandesa; at bote ng tubig. Samantalang ginagastos niya ang pondo ng bayan para sa kanyang mga bodyguard, nag-donate lang ang kanyang opisina ng P30 halaga ng mga relief goods,” wika ni Uson.
Hindi masama na magliwaliw ang Pangulo para mag-alis ng tensyon. Kailangan niya ito upang lalong lumakas at gumanda ang kanyang kondisyon sa pagganap niya ng kanyang tungkulin. Pero, may oras para rito. Hindi sa panahon na ang kanyang mamamayan ay parang hilong talilong na naghahanap ng tulong at pagkalinga. Kailangan ang Pangulo, tulad ng ama ng tahanan, ay nasa gitna ng unos at sinasalag ang matinding hagupit nito sa kanyang mamamayan. Ang ibig kong sabihin ay upang maibsan ang kanilang hirap ay nakikita siya na pinagiisa ang taumbayan, kahit pansamantala lang na kumikilos para mahango sila sa kinasasadlakan nilang kahirapan. Nakikita nilang ginagamit mo ang buong puwersa ng gobyerno para sa kanila. Hindi iyong kahit sa panahong ito na nahaharap sila sa mahigpit na pagsubok ng kalikasan ay sasamantalahin mo naman para atakihin ang Katolikong Simabahan at mga water concessionaire. Wala sila sa kalagayan ngayon para maaliw ng kahit anong pagpapakita ng tapang.
-Ric Valmonte