SA pagsisimula ng bagong taon, inanunsiyo ni Secretary William Dar ng Department of Agriculture (DA) ang mga planong inaasahang magpapataas sa produksiyon ng bigas ng bansa.
Sentro ng programa ang pamamahagi ng certified palay seeds simula pa noong Oktubre ng nakaraang taon, para sa pagtatanim ng nasa 947 rice-producing na mga bayan sa 57probinsiya. Kayang maglabas ng mga certified seeds ng 4.54 milyon tonelada ng palay sa bawat ektarya. Higit na malaki ito kung ikukumpara sa tradisyunal na ani na umaabot lamang ng 2.13 metriko tonelada sa bawat ektarya na inaani ng mga pilipinong magsasaka gamit ang kanilang nakasanayang kalidad ng palay.
Libreng ipinamamahagi ang mga high-yielding seeds sa mga magsasaka sa buong bansa na nagsasaka sa kabuuang isang milyong ektarya ng lupain, sa 40 kilo ng binhi kada ektarya. Inaasahan itong magpapataas sa ani ng 2020 ng hanggang tatlong porsiyento kumpara sa 2019.
Ang programang ito ng pagpapaunlad at pamamahagi ng mga magagandang kalidad ng palay ay iniimplementa ng Philippine Rice Institute. Naglalaan ng P3 bilyon kada taon para sa libreng pamamahagi ng binhi sa mga magsasaka hanggang 2024.
Bukod dito, may isa pang programa ang DA—ang farm mechanization – na ipinatutupad ng Philippine Center for Post-Harvest Development and Mechanization. Sa ilalim ng programa, P5 bilyong halaga ng mga traktora at iba pang kagamitan ang ipamamahagi sa mga kuwalipikadong kooperatiba at samahan gayundin sa mga lokal na pamahalaan.
Inaasahang makatutulong ang mechanization upang mabawasan ang production cost ng P4 kada kilo mula sa kasalukuyang average cost na P12 kada kilo.
Hindi kailanman na tugunan ng mga magsasaka sa bansa ang pangangailangan ng bansa sa bigas, dahilan upang mapilitang mag-angkat ng daan-daang libong tonelada ng bigas mula sa kalapit na mga bansa ng Vietnam at Thailand. Pinakamalapit na nakamit natin ang pangangailangang ito noong kasagsagan ng Masagana 99 program ng administrasyong Marcos.
Ang pangangailangan ng lumalagong populasyon ng Pilipinas ang tuluyang nagpapalayo sa kapasidad ng produksiyon ng ating mga Pilipinong magsasaka. Noong 2018, sa gitna ng inflation na umabot sa 6.7 porsiyento noong Setyembre, kinailangan magpatupad ng pamahalaan ng iba’t ibang paraan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo at isa nga rito ang Rice Tariffication Law. Tinanggal ng batas ang lahat ng limitasyon sa pag-aangkat ng bigas; kailangan lamang nilang magbayad ng itinakdang taripa. Nagresulta naman ito sa malawakang importasyon na nagpababa sa presyo ng bigas. Maganda ito para sa mga konsumer ngunit parusa naman ito para sa mga magsasaka.
Ngayong taon, umaasa si Secretary na magiging maganda ang taong ito para sa agrikultura ng Pilipinas, partikular sa produksiyon ng bigas. Ang kambal na programa ng libreng pamamahagi ng binhi at farm mechanization ay dapat na magpataas sa lokal na produksiyon at magpababa sa gastos ng produksiyon. Hindi man natin makamit ang hangarin na self-sufficiency, malaking hakbang na ito tungo rito.