SA WAKAS, matapos ang matagal na pagkaantala at paghihintay, magbubukas na ngayong taon ang P4.8 bilyong Bicol International Airport (BIA) sa Daraga. Higit pang nakatutuwa ang biyaya ng pagsisimula ng konstruksiyon ng P175-bilyong Philippine National Railways (PNR) South Haul na tatakbo mula Calamba City sa Laguna patungong Matnog sa Sorsogon.
Pinakamasaya sa mga pagbabagong ito ay si Albay Rep. Joey Sarte Salceda, pinuno ng House Ways and Means Committee na sinabing siniguro sa kanya ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang dalawang biyaya ngayong taon. Inaasahang magbibigay daan ang dalawang mahalagang proyekto, para sa pag-angat ng ekonomiya ng Katimugang Luzon, partikular sa turismo.
Kinilala ang BIA bilang “Most Scenic Gateway” ng bansa. Inaasahan ang malaking gampanin nito sa pagsasakatuparan ng target na 20-million pagdating ng turista sa bansa bawat taon. Ang mga turistang lalapag sa MIA ay direktang bababa sa sentro ng tourism hub ng Bicol, ang Albay, na tahanan ng world famous iconic Mayon Volcano at ang makasaysayang Cagsawa Ruins.
Tinutukan ni Salceda ang pagsusulong ng proyekto sa mga nakalipas na taon, mula sa kanyang unang termino bilang Kongresista hanggang sa maging gobernador ng Albay at pinuno ng Bicol Regional Development Council sa loob ng siyam na taon. Taong 2009 nang magsimula ang konstruksiyon ng BIA. Nakadisenyo ito upang tumanggap ng dalawang milyong pasahero taun-taun na may pinalawak at state-of-the-art facilities.
Samantala, magsisimula ang konstruksiyon ng PNR South Long Haul, sa ikalawang bahagi ng taon. Sumasabay ang proyekto sa pagtatapos ng BIA, at inaasahang higit na magpapataas sa turismo ng Bicol ng higit 30 porsiyento na inaasahang lilikha ng 24% economic returns sa probinsiya kapag nagsimula na ang operasyon. Bahagi ng PNR Luzon System, paiikliin nito ang biyahe sa limang oras sa 639-kilometer rail stretch mula Manila patungong Legazpi City.
Ang PNR Luzon System ay bahagi ng malawakang “Build, Build, Build” infrastructure program ng pamahalaan. Ayon kay Salceda ang modernong railways project ang magiging pundasyon ng ekonomikal na pagbabago sa Southern Tagalog at Bicol na magdudulot din ng benepisyo para sa iba pang rehiyon. Kapag natapos, mapauunlad nito ang konektibidad ng mga pangunahing paliparan, pantalan at pag-unlad ng mga economic hubs sa Southern Luzon, gayundin ang pagkakaloob ng mabilis at mainam na
alternatibong sistema ng transportasyon para sa mga dadaanan nitong ruta.
Mula Manila, ang bagong PNR railway ay dadaan ng Laguna, Batangas, Quezon, Camarines Sur at Albay bago umabot sa Matnog sa Sorsogon.
-Johnny Dayang