ANG turo ni Kristo: “Mahalin mo ang iyong kapwa.” Ang turo ng ibang relihiyon: “Mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Parang ganito ang nangyari sa mata-sa-mata at sa ngipin-sa-ngipin na katuruan sa Gitnang Silangan.
Gumanti ang Iran bunsod ng pagkakapatay kay Iranian General Qassem Soleimani sa air strike ng United States malapit sa paliparan ng Baghdad. Kasamang namatay ni Soleimani ang iba pang lider at tauhan.
Binomba ng Iranian Forces ang dalawang base-militar ng US na nasa Iraq. Sa hindi sinasadyang aksiyon, nadamay ang Ukrainian plane na may lulang 176 pasahero at crew nang ito’y tamaan ng missile attack na napagkamalang isang “hostile target”.
Noong una, itinanggi ng Iran na sila ang nakapagpabagsak sa eroplano ng Ukraine na may lulang Iranians, Canadians, Britons at iba pa. Gayunman, dahil sa maraming ebidensiya ang US at Canada nagtuturo sa Iran, inamin din sa huli ng Iran ang pagpapabagsak sa eroplano na tinawag nilang “unintentional” o hindi sinasadya.
Kahit kailan, ang karahasan laban sa karahasan ay walang ibinubungang mabuti. Kahit kailan, sa digmaan ay walang nananalo. Lahat ay nagiging biktima, napipinsala, napapatay. Sana ay iwasan na ng Iran at US ang giyera at gantihan sapagkat nadadamay rito ang mga inosenteng bansa at mamamayan.
oOo
Bigla at nakagulat sa mga Pilipino ang pagsabog ng Taal Volcano sa Batangas. Libu-libong tao ang inilikas, kinansela ang paglipad ng eroplano sa NAIA, sinuspinde ang klase sa lahat ng antas. Grabe ang ashfall o abo na tumama sa Southern Tagalog na nakarating hanggang Metro Manila.
Itinaas ng Phivolcs sa Taal ang Alert 4. Ayon sa initial report, ang ashfall o abo ay tumama sa Tagaytay at Silang, Cavite; Talisay, Batangas; Cabuyao, Laguna; at sa mga siyudad ng Paranaque, Makati, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig, Pasig at iba pang mga lugar sa Metro Manila.
Sa amin sa Pasig City, nagulat ako noong umaga ng Enero 13 (Lunes) nang makita ko ang maraming ashfall sa luma kong kariton. Maitim at pino ang abo. Naisip ko: Kaylayo ng Pasig mula sa Taal, pero inabot pa rin kami ng mga abo.
OOo
Itinanggi ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang akusasyon ng mga kritiko na meron siyang cronies at kaibigang oligarchs na pinapaboran ang business interests. Sa halip, inamin ni PRRD na meron siyang mga girlfriend, pero wala siyang crony.
“Wala akong crony. May girlfriends ako. Crony wala akong silbi yang--hindi ko mayakap yang mga buwang na yan. Ang akin, girlfriends.” Biro lang ba ito Spox Panelo? Ano ang masasabi mo rito Ms. Honeylet Avancena?
Sinabihan ni Mano Digong ang mga pulitiko na huwag tuksuhin ang kanyang anak, si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na tumakbo sa panguluhan sa 2022. Ang ganito raw posisyon ay magbibilad sa kanyang anak sa peligro at kelangan niyang magsakripisyo.
“Kaya si Inday ayaw ko. Huwag ninyong demonyohin yung anak ko kasi naaawa ako sa kanya. Anak ko yan eh. Mag-presidente, baka mainsulto kayo,” sabi ni PDu30 sa okasyon ng pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka sa Cotabato.
Samakatwid, may katwiran si ex-Sen. Bongbong Marcos na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022. Posibleng makalaban niya si Vice Pres. Leni Robredo o kaya naman ay si Sen. Grace Poe, parehong babae. Meron bang lalaki na puwede ring tumakbo?
-Bert de Guzman