MATAPOS ang pagsiklab ng takot sa mundo hinggil sa bagong digmaan sa pagitan ng United States at Iran, makaraan ang naging pagpaslang ng US drone sa Iran top general Qasem Soleimani, unti-unti nang humupa ang takot sa gitna ng bagong mga kaganapan.
Sa naging pamamaslang, ipinakita ni US President Trump ang kakayahan ng Amerika na pulbusin ang mga kaaway nito saan man bahagi ng mundo. Hindi naman sumuko ang Iran sa pag-atake at gumanti ng pasabugan ang isang US base sa Iraq. Walang namatay sa naging pag-atake, at kalaunan inihayag ni President Trump na hindi na magsasagawa pa ang Amerika ng sunod na aksiyon.
Dumating naman ang biglaang pagbagsak ng isang Ukrainian passenger plane na naghahanda sanang lumapag sa Teheran. Makalipas ang ilang araw sa pag-iisip ng mundo kung sino ang nasa liko nito, inamin ng pamahalaan ng Iran ang responsibilidad sa insidente. Isa umano itong “di sinasadya” ng militar na pagpapabagsak ng eroplano, isang “unforgiveable mistake.”
Tinanggap ng mundo ang kahandaan ng Iran na aminin ang pagkakamali nito. Tila wala na rin itong balak na magsagawa pa ng anumang digmaan kontra sa Amerika. Ang naging pagkamatay ng maraming silbilyan pasahero, karamihan ay mga Canadian, na wala namang kinalaman sa sigalot, ang maaaring nagtulak sa mga lider ng Iran na ang kanilang militar ay wala sa posisyon para lumaban sa isang digmaan sa Amerika. At mas mainam na rin na ipaubaya na lamang ang bagay na ito sa imbestigasyon sa hinaharap.
Umaasa ang mundo sa mga pagbabagong ito. Matapos ang pagpaslang kay Soleimani, umakyat ang pandaigdigang presyo ng langis na pinakamataas na nakalipas na apat na buwan, ngunit ngayon ay bumalik na ito sa dati nitong lebel. “The possibility of the war between the United States and Iran has disappeared,” pahayag ng isang eksperto.
Sa simula ng sigalot, sa pagpapalitan ng mga pagbabanta ng US at Iran, agad na kumilos ang Pilipinas upang tulungan ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na maaaring maipit sa gulo sa rehiyon. Handa ang bansa na iuwi sila.
Ngunit ang mga bagong kaganapan ay nagpababa sa pangamba ng pagsiklab ng digmaan, at ang pangangailangan na mailigtas ang mga OFW. Maaaring humupa na ang panganib, kayat posibleng maraming OFW ang magdedesisyon na manatili na lamang doon.
Sa gitna ng mobilisasyon para maiuwi ang mga ito, lumutang ang problema sa paghahanap ng trabaho para sa kanila at ikinonsidera ng pamahalaan ang pagpapadala sa kanila sa Japan, Canada, Gemany, China, at Russia, o tulungan na lamang silang humanap ng trabaho rito sa bansa sa nagpapatuloy na programang pang-imprastraktura o pagsisimula ng kanilang sariling negosyo.
Maaaring humupa na ang panganib ng ating mga OFW sa Middle East, gayundin ang pangangailangan na maiuwi sila, gayunman, dapat magpatuloy ang plano para sa domestic employment program. Ipinagmamalaki natin ang mga OFWs, na malaki ang naitulong sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa, mula sa mga remittances na kanilang ipinadadala, ngunit kapalit ito ng pag-iwan sa kanilang pamilya. Umaasa pa rin tayo na balang araw, ang pagngingibang-bansa ay isa na lamang opsyon, hindi pangangailangan, para sa mga Pilipinong manggagawa.