NAGING laman ng mga balita sa mundo ang Pilipinas nang tumama ang typhoon Phanfone –may lokal na pangalang Ursula – sa Visayas noong Araw ng Pasko. Isang masakit na panahon para mawalan ng tahanan at pamilya.
Hindi bababa sa 50 ang namatay sa bagyo at nasa 2.1 milyong tao ang napilitang lumikas patungo sa mga evacuation centers; sumalubong ng Bagong Taon ang mahigit 85,000 tao sa mga evacuation center.
Nitong Lunes, muling naging laman ng balita sa mundo ang bansa, dahil naman sa pagputok ng Bulkang Taal, tanyag sa mga turista na dumadayo sa Tagaytay City. Saan pang lugar, normal na maituturing ang pagtingin sa bunganga ng bulkan?
May sariling lawa ang bunganga nito, kaya naman nakilala ito bilang
“lake within an island within a lake.”Makalipas ang 43 taong pananahimik, sumabog ang Taal nitong Linggo ng hapon, na nagbuga ng mga abo sa palibot na lugar sa Batangas, Cavite, at Laguna.
Taal ang ikalawa sa pinaka-aktibong bulkan sa bansa, sunod sa Mayon sa Albay.
May 100 bulkan sa Pilipinas na inilista ng Smithsonian Institution’s Global Volcanism Program sa United States, ngunit 23 lamang ang nakalista bilang aktibo sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology. Kabilang ang Banahaw sa Laguna at Quezon, Biliran sa Biliran malapit sa Leyte, Bulusan sa Sorsogon, Camiguin at Didicas sa Cagayan, Hibok-Hibok sa Camiguin, at Kanlaon sa Negros Occidental at Negros Oriental, may pagkakataong nagigising ang mga ito sa mga nakalipas na siglo.
Pinakamapaminsala sa bagong panahon ang naging pagputok ng Mt. Pinatubo sa Zambales noong 1991 na kumitil sa buhay ng 350, at tumabon ng lahar sa maraming lugar at nakaapekto rin sa panahon ng mundo sa loob ng ilang buwan. Humantong din ito sa paglikas ng mga Amerikanong nakabase sa Clark Air Base sa Pampanga at sa Subic Naval Base sa Zambales.
Ang mga bulkan sa bansa ay bahagi ng “Ring of Fire” na nakapalibot sa Pacific Ocean. Sa bahaging ito rin ng “Ring of Fire” madalas na
nagkakaroon ng paggalaw na nagdudulot ng lindol sa ibabaw nito. Ang ating mga isla rin ay nasa paboritong daan ng mga bagyo na namumuo sa Pasipiko, na kumikilos pa-kanluran tungo sa mainland Asia o kikilos pa-hilaga sa Japan.
Natuto tayong mabuhay sa mga natural na kaganapang ito na nagdudulot ng matinding pagkasira at kamatayan. Binuo tayo ng mga ito bilang tao, sanay sa paghihirap at pagdurusa, ngunit handang magpatuloy.
Maaaring hindi lubusang umangat ang pambansang ekonomiya para sa lahat upang magkaroon ng disenteng trabaho dito sa bansa, ngunit natugunan ito ang mga Pilipino sa pagkalat sa mundo upang magtrabaho bilang doktor at nurse, engineer at construction workers, office manager at information technology experts, at bilang mga kasambahay at caregivers sa kabila na ang kanilang kursong tinapos ay guro at iba pang propesyon.
Ngayon, nararanasan natin ang pagputok ng Bulkang Taal. Maaaring magdulot ito ng matinding pagkawasak at kumitil sa maraming buhay. Maaasahan din natin ang iba pang maraming problema at paghihirap sa dadaan sa atin—ang lindol, bagyo, baha at tagtuyot. Ngunit sanay na tayo at hindi lamang natin ito malalampasan. Paghuhugutan natin ito ng lakas.