HINDI rin nakaligtas sa ibinugang abo ng Taal Volcanao ang bagong tayong Skate Park sa Tagaytay City.
Pansamantalang nahinto ang pagsasanay ng mga miyembro ng National Team sa hindi inaasahang pagsabog ng Taal, kaalinsabay ang manaka-nakang lindol, sanhi ng di abnormalidad sa kilos ng isa sa pinakamagandang bulkan sa bansa.
Ang Skate Park na ginawa at ginamit sa katatapos na 30th Southeast Asian Games (SEAG) nitong Disyembre ng nakaraang taon, ay may lawak na 800 hanggang 1000 square meter habang ang street course nito ay may laki naman na 50m x 25m.
Sa isang post ni Skateboarding and Rollerskate Sports Association of the Philippines (SRSAP) president na si Monty Mendigoria, ay ipinakita ang makapal na abo na tumabon sa kabuuan ng nasabing Skate Park na itinayo mismo sa Tagaytay oval malapit sa City Hall ng Tagaytay.
Siniguro naman ni Mendigoria na walang pinsalang nangyari sa nasabing pasilidad, bagama’t natabunan nga ito ng makapal na abo, galing sa ashfall sa pagsabog ng bulkan.
“So far wala pa naman pong damage. Puno lang siya ng ash from yesterday’s eruption,” pahayag ni Mendigoria.
Ang nasabing venue ay siya ring ginamit para sa cycling-BMX competition nitong nakaraang biennial meet.
-Annie Abad