MATAPOS ang Boracay at Manila Bay, itinuon naman ng pamahalaan ngayon ang atensiyon sa pagkasira ng kapaligiran ng Baguio City.

Mismong ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Benjamin Magalong, ang nanguna sa cleanup drive na bahagi ng 15-year program na mag-uumpisa sa Burnham Park, ang sikat na sentro ng lungsod na pinakamadalas na puntahan ng mga turista na dumadayo mula sa mga mabababang lugar sa timog ng bansa.

Magiging bahagi ang pambansang pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources at ng Department of Interior and Local Government, sa pagpapatupad ng mga batas sa lugar. Habang nangako rin ang Department of Tourism ng P480 milyon para sa pagpapaganda ng Burnham Park.

Maraming tourist attraction sa lungsod, ngunit ag Burnham park, na may maliit na lawa at maliliit na mga bangka, ang nagpapaakit sa mga turista. Hindi ito kalayuan sa Mine’s View Park, na madalas na matindi ang trapik.

Sa katunayan, nararanasan ngayon ng buong lungsod ang matingding trapik. Anumang araw, lalo na tuwing weekends at holidays, libu-libong sasakyan ang bumabiyahe sa expressway mula Metro Manila, paakyat sa Kennon Road. Masyadong maraming bisita at sasakyan sa lungsod.

Dahil sa karamihan ng tao, mga residente at bisita, isinama na ni Mayor Magalong ang pagsasaayos ng sewerage treatment plant ng lungsod bilang bahagi ng unang proyekto sa kanyang 15-year plan. Maaaring hindi pa ito agarang kailangan, ngunit nasa sentro ito ng anumang problema sa kalikasan, tulad sa Boracay at sa Manila Bay.

Para sa maraming bisita, pinakalantad na pagbabago na nakita nila sa Baguio sa mga nakalipas na taon, ang pagdami ng mga maliliit na bahay na nakatirik sa gilid ng bundok, at mga dalisdis na dating natataniman ng mga puno. Ito at ang iba pang istruktura ang sumakop na sa mga magagandang lugar na dating natatamnan ng mga pine trees, dahilan upang matanong ng ilan kung maituturing pa rin na “City of Pine” ang Baguio.

Itinatag noong 1909, orihinal na idinisenyo ang Baguio para sa 25,000 tao ng American architect na si Daniel Burnham. Nakaranas ito ng matinding pagkasira noong 1945 sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang paglindol sa Luzon noong 1990, ngunit patuloy itong lumago, kung saan dumami ang mga istruktura at paglaganap ng urban na sumira sa maraming pine trees ng siyudad.

Tinatayang nasa 400,000 na ang populasyon ng siyudad, ngunit tinataya namang umabot sa 1.8 milyon noong 2018 ang bumisita sa Baguio, mas mataas sa 1.5 milyon noong 2017. Sa datos na ito, tinatayang umaabot ng mahigit 2 milyon ang weekend population ng siyudad at patuloy pang tumataas. Hindi na kataka-taka, na nagkaroon ng problema sa polusyon at sewage system ang Baguio na naging dahilan din para maging bahagi ng 15-year plan, ang pagsasaayos ng sewage system.

Patuloy na lalago ang Baguio at patuloy rin aakit ng milyong-milyong bisita, dahil na rin sa maganda nitong klima at mas magandang mga daan. Ang polusyon, labis na konstruksiyon at trapik ang pangunahing tuon ng rehabilitasyon. Ngunit mas madaling makikita ng mga tao ang tagumpay nito kapag nasilayan nila ang mga tumutubong pine trees sa palibot ng lungsod, upang muli maging tunay na “City of Pines” ang lungsod.