UMABOT sa P60.7 milyon ang naibigay na tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Eastern Visayas, na hinagupit ng dalawang bagyo nitong Disyembre.
Hanggang nitong Enero 9, nakapagkaloob ang DSWD ng P43.8-milyon halaga ng tulong para sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Tisoy sa mga probinsiya ng Samar noong Disyembre 2, at P16.9-million halaga ng relief supplies para sa mga biktima ng Typhoon Ursula na nanalasa noong Araw ng Pasko.
Ang tulong ng DSWD ay bukod pa sa P16.7-million tulong na inisyal na ipinagkaloob ng mga apektadong local government units (LGUs).
Sa isang panayam nitong Biyernes, sinabi ni Joshua Kempis, DSWD (Eastern Visayas) regional disaster response operations division information officer, na nagpapatuloy pa rin ang relief operation ng ahensiya.
Aniya, dinadala lamang nila ang mga relief packs kung humingi ang mga lokal na pamahalaan.
“The LGU is always the first responder in any disaster. When needed, we extend support by augmenting their supply,” pahayag ni Kempis.
Nasa 24,331 family food packs na ang naipamahagi ng mga biktima ng Tisoy sa Samar habang nasa 39,839 relief packs ang naipadala sa mga biktima Ursula Leyte, Biliran, Western at Eastern Samar.
Base rin sa datos, umabot na sa 168,976 kabahayan ang nasira ng Tisoy at 251,166 ng Ursula sa rehiyon.
Matapos ang pagtataya, magpupulong ang mga LGU kasama ng mga sangkot na ahensia upang matukoy ang pinaka mainam na programa para sa pagbangon ng mga apektadong bayan, ayon sa DSWD.
Samantala, nagpaalala naman ang DSWSD sa publiko na hindi dapat ipinagbibili ang mga relief items.
PNA