PINANGUNAHAN ng magkapatid na Rockwayne Lopez Lazaro at Bruce Lopez Lazaro ang mga nagwaging delegasyon mula Rosales, Pangasinan sa katatapos na Professional Chess Trainers’ Association of the Philippines (PCTAP) Rapid Chess Championships kamakailan sa CB Mall sa Urdaneta City, Pangasinan.
Nakamit ni Rockwayne , 16 years old at grade 10 student ng Rosales National High School ang titulo ng Grade VII-X division sa event na nagsilbing punong abala si national arbiter Miles “ Ka Milo” Samaniego.
Naibulsa naman ng nakababatang kapatid na si Bruce , 13 years old na grade 7 student ng Rosales National High School ang ika-2 puwesto habang nasa ika-3 puwesto naman si Erich N. Micua na ipinagmamalaki din ng Rosales National High School.
Ang kampanya ng magkapatid na Rockwayne Lopez Lazaro at Bruce Lopez Lazaro ay sinuportado nina Demi Lopez Lazaro, coaches Alejandro Narvaez at Mon.
Sa Grade VI and below division, bida naman Roville Viatrice G. Ceron ng San Pedro West Elementary School matapos makopo ang korona. Nasa ika-2 puwesto naman si Romer G. Ceron Jr. habang nasa ika-3 puwesto naman si Ian David O. Mercurio ng San Pedro East Elementary School para kumpletuhin ang tagumpay ng delegasyon ng Rosales, Pangasinan.
Nitong Disyembre 20, 2019 ay tumapos si Bruce sa overall 4th habang umeksena din si Rockwayne na overall 7th place. Si John Lester Diamsay ang nagkamit ng titulo na may 6.5 puntos sa tinampukang Katandaan Rosales Chess Tournament.