DAHIL sa pagkamatay ni Iranian General Qassem Soleimani sa US air strike sa paliparan ng Baghdad, Iraq, gumanti ang Iranian Forces at nagpakawala ng 22 missile strikes sa military bases ng US military at mga kaalyado nito.
Habang sinusulat ko ito, wala pang opisyal na report kung may napatay o nasugatan sa panig ng US military. Hindi pa rin nababanggit sa mga report kung may mga Pilipino na nagtatrabaho roon ang tinamaan, nasugatan o napatay. Sa inisyal na tweet ni US Pres. Donald Trump matapos ang pag-atake ng Iran, sinabi niyang “All is well.”
Batay sa report ng Iraqi military, sa 22 missile strikes ng Iran, ang 17 ay tumama sa Ain-al-Assad air base samantalang ang lima ay sa siyudad ng Arbil. Idinagdag sa ulat na walang biktima sa hanay ng Iraqi forces.
Sinabi naman ng France na kabilang sa coalition forces ng US, walang casualties sa panig nito sa pagbira sa mga base-military na tinitirhan ng mga tropa ng US-led coalition na lumalaban sa nalalabing Islamic State Jihadist group.
Nagpahayag naman ng pangamba si British Foreign Secretary Dominic Raab sa mga report ng posibleng casualties sa missile strikes. Kinondena niya ang pag-atake sa military bases sa Iraq na kinaroroonan ng coalition forces, kabilang ang British forces.
Sinabi ng Iranian Revolutionary Guards Corps na tinamaan nila ang Ain-al-Assad base ng mahigit isang dosenang missiles bilang ganti sa pagkamatay noong Biyernes ni General Soleimani, isa sa pinakamahalagang opisyal ng Iran.
Nagbanta ang supreme leader ng Iran na si Ayatollah Khameini na magsasagawa pa sila ng mga pagsalakay. Kapag gumanti raw ang US, gaganti sila at aatakehin din ang Israel at mga kaalyado ng America, gaya ng Saudi Arabia.
Sa puntong ito, nagpahayag si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na magsasagawa sila ng matinding pag-atake kapag sinalakay ng Iran ang Israel. Kilala ang Israel sa pagkakaroon ng pinakamagaling at pinakamahusay na military forces sa daigdig.
oOo
Ipinagkibit-balikat lang ni Vice Pres. Leni Robredo ang pahayag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na siya ay isang “colossal blunder”. Napikon si Mano Digong kay VP Leni dahil sa pahayag na isang “massive failure” ang anti-illegal drug campaign ng Duterte administration.
“Kahit kailan ay hindi ako sumasagot sa mga insulto. Sumasagot lang ako kung ang kanilang facts ay peke at walang batayan. Kung ito ay tungkol sa impresyon sa akin, karapatan niya (Duterte) kung ano man ito. Hindi ko idedepensa ang sarili dahil ang media na sumubaybay sa akin sa 18 araw ko sa ICAD ang magpapatunay na ginawa ko ang aking trabaho,” badya ni Robredo.
Gayunman, ipinagtanggol ang kanyang drug report at iginiit na ang mga data na may kaugnayan sa illegal drug war ay galing mula sa mga ahensiya ng gobyerno, kabilang ang P h i l i p p i n e National Police (PNP). Hindi raw ito mga imbento.
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Napakasimple lang naman ng solusyon sa illegal drugs. Hulihin o itumba ang drug suppliers, drug lords, drug smugglers, ninja cops upang hindi makapag-suplay ng mga droga sa iba’t ibang panig ng bansa. Kung ang itutumba ay ordinaryong pushers at users, walang mangyayari sa kampanya dahil habang may shabu supplies, garantisadong may magtutulak at gagamit ng mga droga.”
-Bert de Guzman