Ni Edwin Rollon
HIGIT sa sports, ang paglilingkod sa mga kababayan, ang tungkuling hindi matatalikuran ni swimming champion Eric Buhain.
Sa pinsalang idinulot ng pagbuga ng abo at putik ng pamosong Taal Volcano, sa mga bayan na nakapaligid dito, ang bayan ng Balayan ang isa sa nagsilbing ‘evacuation center’ para sa mga apektadong residente mula sa Lemery, Taal at Calaca.
“Mahigit 3,000 evacuees ang kinalinga namin dito sa Balayan. Talagang matindi yung pinsala sa pagputok ng bulkang Taal,” pahayag ni Buhain, 15-time Southeast Asian Games champion at isa sa itinuturing sports icon sa bansa.
Kaagad na pinakilos ng kanyang butihing maybahay na si Mrs. Eileen Ermita-Buhain, Representative ng Unang Distrito ng Batangas, ang inihandang ‘center’ para sa lumikas na kababayan mula sa nag-aalburutong bulkan.
“Dami naming evacuees sa Balayan sa ngayon. Ok naman dahil na-set-up na ito ni Congresswoman Eileen, katuwang ang mga local executives. So far, yung supply ng pagkain nagkakasya pa naman,” sambit ni Buhain.
Ang pamilya Buhain ay nanunuluyan sa ‘ancestral house’ ng pamilya Ermita sa Balayan.
“From Lemery at Taal and Calaca ang mga evacuees. Pinapakain namin pero medyo inaayos namin yung supply kahi mahigit 3000 sila sa estimate namin. Si Eileen is working to get assistance from agencies. Ako muna dito sa Balayan,” aniya.
Bukod sa Balayan, bahagi ng unang distrito ng Batangas ang Calaca, Calatagan, Lemery, Lian, Nasugbu, Taal, at Tuy.
“So far, minimal pa naman yung effect dito sa amin. May manaka-nakang lindol, yung abo umabot din sa amin, pero so far , so good ang aming bayan at tulong-tulong kami at ready para tulungan yung higit na kailangan ng tulong,” pahayag ng dating chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).