“BILANG abogado, nang tingnan ko ang kontrata, puno ito ng dumi (shit) dahil nariyan sa dokumento ang eksaktong kopya ng Anti-Graft and Corrupt Practices. Ang inyong krimen ay maaaring plunder, syndicated estafa, kaya wala itong piyansa. Kung gusto ninyong lumabas? Sige, pero kayo ay takas sa lahat ng oras. At titiyakin ko na hindi kayo makababalik na buong tao,” ganito pinagbantaan ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng Manila Water Co. at Maynilad Water Service, Inc. kamakailan.
Aniya, kapag napagpasiyahan niyang habulin ang mga ito, titiyakin niya na isang bilyonaryo ang makukulong. Pinagpipili ng Pangulo ang mga dalawang water concessionaire na lumagda sa bagong kontrata o kukunin ng gobyerno ang kanilang operasyon.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, na siyang inatasan ng Pangulo na gumawa ng bagong kontrata, lilinisin nila ng mga mabigat na probisyon ang mga dating kontrata. Aalisin nila ang mga probisyon nagbabawal sa pamahalaan na makailam sa pagpepresyo ng nakonsumong tubig; ang pagpapahintulot sa kanila na humingi ng kompensasyon kapag pinigil silang magtaas ng singilin; at pinahihintulutan ang mga kompanya na ipasa sa mga consumer ang mga gastos na walang kagunayan sa kanilang serbisyong mamahagi ng tubig.
Maganda ang hakbang na ito ng Pangulo. Sa ikabubuti ito ng taumbayan at ikataas na naman ng kanyang approval rating. Pero, higit na maganda kung tapat ang Pangulo sa kanyang layunin na proteksyunan ang interes ng mamamayan at hindi ito nababhiran ng pgpapanggap at pagkukunwari. Ang ayaw niyang gawin ng iba ay hindi niya ginagawa. Role model, ika nga. Ang problema kung sinasabi ng Pangulo na nakalapat ang batas ng anti-graft sa mga kontrata sa mga concessionaire, bakit ayaw niyang ilahad sa publiko ang mga nilagdaan niyang mga kontarata, partikular ang mga kontrata ng umutang ang ating bansa ng bilyung-bilyong piso panggastos sa pagpapagawa ng Chico at Kaliwa dam project? May probisyon daw ang mga ito hinggil sa confidentiality, na hindi puwedeng ipaalam sa madla ang mga nilalaman nito. Kung totoo ito, bakit nilagdaan ng Pangulo ang mga kontrata? Lapat ang probisyon ito sa batayang prinsipyo ng Saligang Batas na transparency. Isa pa, bakit ang dinidikdik lamang ng Pangulo ay ang mga opisyal lang ng mga water concessionaire? Ang unang kontrata ng mga ito sa gobyerno ay naganap sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ramos, ang ikalawa na nagpapalawig sa una ay sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Mabubuo ba ang mga kontrata kung walang pangunahing partisipasyon ang mga opisyal ng gobyerno sa pamamahala ng dalawang Pangulo? Kaya tuloy binabatikos ng partidong Gabriela ang backroom negotiation na ginagawa ng Pangulo sa dalawang Concessionaire. “Dapat ilabas ng Malacañang ang kopya ng sinasabi nitong bagong kontrata para maalis ang pagdududa na ang sikretong usapan ay may sikretong benepisyo,” wika ni Gabriela Rep. Arlene Brosas. Hindi lang iyan, kundi para mabura sa isipan ng mga maalam na ang ginagawa ng Pangulo laban sa mga concessionaire ay hindi tulad ng kanyang war on drugs na ayon kay Human Rights Watch researcher Conde ay para pataasin lang ang kanyang approval rating.
-Ric Valmonte