HUMUPA na ang tensyon sa Gitnang Silangan. Nag-apoy ito kamakailan nang mapatay ng Amerika sa ginawa nitong military strike sa international airport ng Baghdad ang pinakamataas na commander ng Iran na si Qassem Soleimani. Si Soleimani ay siyang pinuno ng elite Quds Force ng Iran at utak ng pagpapakalat ng military influence ng kanyang bansa sa Middle East.
Ayon sa Pentagon, iniutos ni US President Donald Trump ang pagpatay pagkatapos salakayin ng grupong maka-Iran ang US Embassy sa Baghdad. “Mula sa Pangulo, ang militar ng US ay nagsagawa ng defensive action para proteksyunan ang US personnel sa labas ng bansa sa pamamagitan ng pagpatay kay Qassem Soleimani. Ang layunin nitong strike ay upang mapigilan ang anumang binabalak na pagatake ng Iran sa mga US personell,” wika ng Pentagon sa isang pahayag. Kasi, ayon din sa Pentagon, si Soleimani ay aktibong gumagawa ng plano para patayin ang mga US diplomats at servicemen nang siya ay mapatay. Sa kanyang talumpati sa West Palm Beach, California noong nakaraang Biyernes ng hapon kinumpirma ni President Trump na siya ang nag-utos sa pagpatay kay Soleimani. Aniya, “sa aking utos, matagumpay na naisagawa ng militar ng Amerika ang maayos at walang mintis na strike na pumatay sa numero unong terorista saan mang bahagi ng daigdig.” Pero, dagdag niya: “Hindi tayo kumilos para magsimula ng digmaan. Hindi natin ninanais na palitan ang rehimen.”
Pero, humupa ang tensyon nang magpasiya si Pangulong Trump na huwag nang gumanti sa ginawang pagbomba ng Iran sa dalawang base militar ng Kano sa Iraq. Ayon sa Pentagon, naglunsad ang Iran ng 16-short-range ballistic missiles, at 11 sa mga ito ay siyang tumama sa Al- Assad air base ng Iraq at ang isa sa Irbil, pero walang namang napinsala. Talagang wala namang magagawa si Trump kundi ang tumigil na. Bagamat sumunod ang Pentagon sa kanya nang patayin ang Iranian general, sinuway naman nito ang utos niya na bombahin ang cultural center at heritage ng Iran. Hindi rin buo ang kanyang bansa sa kanyang ginawa. Nagprotesta laban sa ginawa niya ang mga politiko at higit sa lahat, ang kanyang mamamayan. Katunayan nga, nagpasa ang US House of Representatives nitong Huwebes ng Resolusyon na nag-aatas ng pagtigil sa kapangyarihan ni Trump na makipagdigma gamit ang US Armed Forces laban sa Iran nang walang pahintuloy ang Kongreso. Nasa Senado ang Resolusyon para pagpasiyahan ito.
Sa ating bansa, kung natuloy ang gulo at nasaktan ang ating mga manggagawa o mayroon sa kanila ang nabiktima, ano ang magiging papel ng mga sundalong ipinadala ng ating gobyerno sa lugar ng kaguluhan para ilikas sila? Makikipagbakbakan din ba sila? Bago pa ipinadala ang mga sundalo ay publikong ideneklara ng Pangulo na kapag may nasaktan sa mga OFW, papanig siya sa Amerika, hindi niya sinabi kung sino ang nanakit. Pero, mag-ingat din tayo dahil nagbanta ang Revolutionary Guards ng Iran sa Amerika na mas grabe pang paghihiganti ang darating sa lalong madaling panahon. Ang missile strike, anila, ay una pa lamang sa mga sunod-sunod na pagatake. Patungkol din sa atin ang bantang ito dahil sa ginawang pagpanig ni Pangulong Duterte sa Amerika.
-Ric Valmonte